Kampanya vs katiwalian idiniin pa ni PNoy sa Independence Day

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Sa kanyang talumpati sa harap ng Barasoain Church sa Bulacan, binigyang diin ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga prinsipyong ipinaglaban ng mga nagbalangkas ng Malolos Constitution at nagtatag ng unang Republika ng Pilipinas.

Pero mayroon pa rin daw mga tiwali na lumilihis kaya hinimok ng pangulo ang publiko na magbantay.

"Hindi pa rin nauubos ang mga walang pakundangan pa ring naghahanap ng butas upang gamitin ito sa pansarili nilang kapakanan. May mga opisyal na harap-harapan kung lumabag sa batas at harap-harapan ding tinatakasan ang pananagutan. Ang Konstitusyon na dapat ay natatakbuhan ng karaniwang tao ay nagiging laruan na lamang ng mga naghahari-harian," sabi ni Aquino.

Ipinaalala raw ng paglilitis at pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona na maaaring bawiin ang kapangyarihang ipinahiram lang ng taumbayan.

"Inabot ng limang buwan ang prosesong ito. Gayumpaman, pinatingkad nito ang diwa ng ating demokrasya," sabi ng Pangulo.

Si Justice Secretary Leila de Lima ang nanguna sa pagtataas ng bandila sa Monumento Circle sa Caloocan.

Simula na raw ng pagbabago sa hudikatura ang pagkakatanggal kay Corona.

Sa Pinaglabanan, San Juan naman pangungunahan ng Pangulo ang pagdiriwang sa susunod na taon.

Balak din ng Pangulo na tunguhin ang Visayas at Mindanao sa mga darating pang Araw ng Kalayaan.

Ito'y para iparamdam na kaisa ang bawat Pilipino sa kalayaang ipinaglaban noon at tinatamasa ng lahat ngayon.

Si Transportation and Communications Secretary Mar Roxas ang nagtaas ng bandila sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite.

Sa kanyang talumpati, sinabi niya na may mga tao pa ring sakim sa kapangyarihan ngayon.

“Sa kabila ng ating mga pagsisikap para sa reporma at hustisyang panlipunan, laging may nakaabang sa gilid ng ating tuwid na daan, nagbabanta at handang baliin ang batas para ibalik ang sistema ng paghahari-harian ng iilan,” sabi ni Roxas.

Sa Rizal Park naman nanguna sa pagtataas ng bandila si Vice President Jejomar Binay na hindi naiwasang matanong kung kasama pa rin si Senador Koko Pimentel sa United Nationalist Alliance o UNA.

Si Pimentel ang nanguna sa flag raising at wreath laying sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan kasama sina Congressman JV Ejercito at San Juan Mayor Guia Gomez. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino

06/12/2012 10:19 PM