Pacquiao, bayani pa rin para sa mga sundalo


Nang manalo si Manny Pacquiao laban kay “Sugar” Shane Mosley noong isang taon, isang testimonial parade ang ibinigay ng Army sa kanya.

Makalipas ang anim na buwan, mula sa Senior Master Sgt. ginawang Lt. Col. ng Army Reserve Command si Pacquiao.

Ngayon, kahit natalo kay Bradley, pinag-aaralan pa rin ng sandatahan na bigyang parangal si Pacman.

“Hindi lang namin tinitingnan kung paano siya maglaro sa ring, pati ‘yung kanyang behavior. For example, ipanakita niya ang pagkumbaba at respeto sa otoridad na nagdesisyon sa laro,” sabi ni Army spokesman Maj. Harold Cabunoc.

Ang mga sugatang sundalo na ito saludo pa rin sa kanilang idolo.

“Si Pacquiao pa rin ang bayani at ang panalo para sa amin,” sabi ni PFC Jesus Dacutanan.

Sa pagkanta naman ng rap idinaan ng isang Pinoy sa United Kingdom ang kanyang paghanga pa rin kay Pacquiao.

Pero para sa ilang fans sa London, gusto nilang pumili na lang si Pacman ng isang propesyon.

“Mas maganda kung mag-concentrate na lang siya sa isang gawain, kung politics na lang, o boxing kung boxing,” sabi ni Carlo Bunales, isang Pinoy sa London.

Sa Middle East, tumutok din ang mga Pinoy sa laban.

Nadismaya pero tinanggap pa rin nila ang resulta.

“Si Pacquiao hindi maglalaglag iyan, pero siguro naghanda din si Bradley sa laban na ito,” sabi ni Angelito Robles, isang OFW sa Riyadh.

“’Yung mga huling round kasi 10, 11 at 12, hindi na bumira si Manny Pacquiao eh,” sabi ni Rainier Gonzales, isa ring OFW.

Sa Amerika, umuwing masama ang loob ng mga Pinoy sa restaurant na ito sa Artesia.

Matapos inanunsyo ang nanalo, nag-alisan na ang marami at hindi na nakisalo sa dapat sana’y victory party. Ron Gagalac, Patrol ng Pilipino
 

06/12/2012 10:13 PM