Palasyo, nanawagan para sa hinahon sa isyu ng Spratlys


Nasa Malacañang kahapon si Chinese Ambassador to the Philippines Liu Jianchao para ipaabot ang pagbati ng China sa Pilipinas sa pagdiriwang ng araw ng kalayaan.

Dito iginiit ng dalawang bansa na dapat maayos sa mapayapang paraan ang gusot sa pinag-aagawang Spratly Islands.

Pero hindi raw nito mapipigilan ang Pilipinas na tawagin na ang South China Sea bilang "West Philippine Sea" at ang Reed Bank bilang "Recto Bank" para igiit na bahagi ito ng teritoryo ng Pilipinas.

“The emphasis is on the peaceful resolution. Calling the Reed Bank as the Recto Bank is just but proper for us. We have always considered that, again, the Reed Bank is part of national territory. We do not see this as a statement that would inflame the situation,” ani Presidential Spokesperson Edwin Lacierda.

Sa Philippine Independence Day celebration sa Washington, sinabi ni Vice President Jejomar Binay na inimbitahan ni US Secretary of State Hillary Clinton si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario para sa isang pulong. Doon posibleng mapag-usapan ang isyu sa Spratlys.

Pero ayon sa ilang senador, walang katiyakan na sasaklolo ang Amerika kung mauwi sa gulo ang isyu.

May panawagan naman ang Malacañang sa harap ng sunud-sunud  na isyu na naging tinik sa relasyon ng Pilipinas at China.

"I think ang kailangan natin maalala ay huwag po tayong mandamay ng mga hindi dapat idamay. Ang mga Tsinoy po rito, bagamat sila ay may dugong Tsino, ay Pilipino na rin po sila. Ang tingin po nila, ang perspektibo nila ay Pilipino. I can say it for myself that this is my own perspective as Filipino citizen,” ani Lacierda.

Mismong si Lacierda, pati na si Pangulong Aquino, ay may dugong Chinese. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino