EXCL: Hinihinalang fighter jet, lumipad sa ibabaw ng Panatag

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Naging matensyon ang Scarborough o Panatag Shoal dahil sa patuloy na pagpapadala ng China ng mga barko nito roon.

Ngunit nitong Lunes, maging sa himpapawid o airspace ng Pilipinas, may naitalang hindi awtorisadong pagpasok o intrusion.

Nahagip ng radar system na kinomisyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang pagpasok ng isang hinihinalang fighter jet sa ibabaw mismo ng pinag-aagawang teritoryo.

“Fighter popped at MACC radar at 5:35 a.m. (1:35 p.m. Manila time). Speed at 670 knots,” sabi ni Alan Ortencio ng New Manila Air Control Center.

Wala pang isang minuto tumagal ang humahagibis na jet.

Natitiyak daw niya na fighter jet ito dahil hindi kayang lumipad ng gayon kabilis ang isang commercial jet.

Aniya, binuksan ng fighter jet ang transponder o ilaw (beacon light) nito para magpakilala sa barkong nasa ibaba na posibleng pag-aari ng China.

“He turned on his transponder right on top of Scarborough island, which is probably the mother shop,” sabi ni Ortencio.

Sabi ni Ortencio, isang systems engineer na nagtrabaho sa US Defense Department at Taiwan Defense Ministry, hindi nag-iisa ang fighter jet.

“Mostly, fighter jets go from 2 to more than 2,” sabi ni Ortencio.

Kumuha na ang Philippine Airforce ng kopya ng radar data recording upang alamin kung ano at kung kanino ang lumipad na aircraft.

Pero wala daw dapat ikaalarma.

“There are no dangerous trends, no warning flags being issued by other agencies. There is no clear and present danger,” sabi ni Col. Miguel Ernesto Okol, spokesman ng Philippine Air Force.

Kinumpirma naman ng Department of Foreign Affairs ang paglipad ng isang unidentified aircraft sa ibabaw ng Panatag Shoal.

Ngunit pinapahintulutan naman daw ito ayon sa UNCLOS.

Aminado naman ang Air Force, ito ang kauna-unahang pagpasok ng isang fighter jet sa ating airspace na ‘di awtorisado ng gobyerno.

Kung ano ang intensyon ng fighter jet na lumipad sa himpapawid ng Pilipinas, hindi pa masagot ng mga awtoridad.

Ngunit isa ang sigurado, ang problema sa Scarborough Shoal ay lulunasan hindi sa giyera sa himpapawid o karagatan kundi sa payapang paraan. Anthony Taberna, Patrol ng Pilipino

06/13/2012 9:44 PM