Zubiri umalma sa bansag na 'mandaraya'

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Dati "nakinabang sa pandaraya" lang ang tingin ni Senador Koko Pimentel sa nagbitiw na Senador Migz Zubiri, pero ngayon deretsahan na ang akusasyon.

“I cannot run with Migz Zubiri who cheated in the 2007 elections,” sabi ni Pimentel.

Pero inamin ni Pimentel na hindi pa sapat ang ebidensya para kasuhan si Zubiri ng pandaraya.

Tanging hawak niya sa ngayon, affidavit ng isang Ahmed Mamucao na may fake ballots at election documents sa compound ng pamilya Zubiri sa Bukidnon.

Kaya panawagan ni Pimentel sa mga taga-roon...

“Please document what you know and then execute all necessary affidavits and then now we can file,” ani Pimentel.

Ayon naman kay Zubiri, nagpunta raw noon si Mamucao sa kanyang opisina para humingi ng pera. Nang hindi mabigyan, dumiretso raw si Mamucao sa kampo ni Pimentel.

Umalma si Zubiri sa bansag na "mandaraya."

“Sinabi niya kasi, ‘Hindi po ako puwedeng sumama sa isang taong mandaraya.’ Napakasakit, that's libelous. For me, I can let that slide. Pero ‘wag niyang ituluy-tuloy,” ani Zubiri.

Ganoon man, umaasa pa rin daw si Zubiri na magkakaayos sila ni Pimentel at tatakbong magkasama sa 2013 elections sa ticket ng UNA. Lynda Jumilla, Patrol ng Pilipino

06/13/2012 9:31 PM