SC kinatigan ang Comelec sa pagbili ng PCOS machines

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Sa special en banc session ng mga mahistrado ng Supreme Court (SC) kanina, pinagbotohan na ang mga petisyong kumukuwestyon sa P1.8 bilyong pagbili ng Commission on Elections (Comelec) sa precinct count optical scan o PCOS machines ng Smartmatic-TIM.

Kinatigan ng SC ang Comelec at binawi ang temporary restraining order na pumipigil sa pagpapatupad ng kontrata sa pagitan ng Comelec at Smartmatic.

“The court, by a vote of 11-3, dismissed the four petitions challenging the validity of the purchase of the PCOS machines by the Commission on Elections from Smartmatic,” sabi ni Atty. Maria Victoria Gleoresty Guerra, tagapagsalita ng SC.

Pinangunahan ni Associate Justice Antonio Carpio ang mga bumoto pabor sa pagbili ng PCOS machines habang pinangunahan ni Associate Justice Martin Villarama Jr. ang mga kumontra.

Ayon sa mayorya, legal ang deed of sale sa pagitan ng Comelec at Smartmatic dahil buhay pa ang automation contract na nilagdaan ng dalawang partido noong Hulyo 2010 para sa nationwide automation ng presidential elections.

“We’re very happy but we would be happier if all of those who petitioned against us will now join us together para pumunta kami towards a successful May 2013 elections,” sabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes.

Nangako naman ang Smartmatic na ipagpapatuloy ang suporta sa Comelec.

Ikinalulungkot naman ito ng mga naghain ng petisyon na handang kuwestyunin ang desisyon.

Bagama’t maaari pang iapela ang desisyon, walang makakapigil sa ngayon sa Comelec sa pagpapatupad ng purchase contract lalo’t wala ng bisa ang TRO at wala pang desisyon sa anumang motion for reconsideration na maaaring ihain ng petitioners. Ina Reformina, Patrol ng Pilipino

06/13/2012 9:19 PM