Markers na inilagay ng China sa Recto Bank, binaklas ng PH Navy


Ang mga marker na ito ay binaklas ng mga tauhan ng Philippine Navy sa West Philippine Sea nito lamang buwan ng Mayo at Hunyo. 

Itinanim ng mga Chinese malapit sa Reed Bank, na ngayon ay tinatawag nang Recto Bank; ang isa ay natagpuan sa Boxall Reef at ang isa sa may Douglas Bank.

Kinuha ang mga marker na ito dahil wala namang pahintulot ang China na itanim ang mga marker na ito.

Dito naman sa Simpokan, isa sa dulong barangay ng Puerto Princesa na ang baybaying dagat ay kaharap ang Spratlys, madalas mamataan ang Chinese at Vietnamese poachers.

“May kakulangan din sa gamit. Siguro magkaroon ng istasyon dito kahit coast guard,” sabi ni Manuel Macasaet, barangay captain ng Simpokan.

Pero hirap ang lokal na pamahalaan na itaboy ang mga ilegal na mangingisda.

Ito ang kaisa-isang bangka na gamit ng barangay para sa kanilang bantay-dagat.

Ito ang sitwasyon sa buong Palawan.

Salat sa mga patrol boats at radar para mabantayan ang teritoryo ng Pilipinas laban sa mga tangkang pananakop.

Samantala sa mga kuhang ito ng Philippine Air Force at Navy kamakailan, todo ang pag-upgrade ng Vietnam at China sa mga kagamitan nila sa islang mga hawak sa Spratlys.

Sa pagbisita naman ni Navy Chief Vice Admiral Alexander Pama, kinilatis niya ang pasilidad ng Navy dito.

Sa Agosto darating ang isang Hamilton, isang second hand sea vessel na gamit ng US Coast Guard para madagdagan ang puwersa ng Navy dito.

Bukod sa dagdag depensa, para kay Wescom Chief Juancho Sabban ay dapat  paigtingin ng mayor ng Isla ng Kalayaan ang pamamahala roon. 

“We should support at the national level ang existence ng municipality doon,” sabi ni Sabban.

Nag-aalala na maging ang mga lokal na lalawigan ng Palawan sa tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.

Pinag-iisipan nila ang isang resolusyon para kondenahin ang mga aksyon ng China. Ces Oreña-Drilon, Patrol ng Pilipino