Gobyerno minsan panalo, minsan talo laban sa korapsyon


Makalipas ang isang taon, 40 kaso ang naisampa laban sa diumano'y smugglers at mga kakuntsaba nila sa gobyerno.

May 53 tax evasion case na rin.

Kabilang sa kinasuhan sina Congressman Mikey Arroyo at dating AFP comptrollers Carlos Garcia at Jacinto Ligot.

Pero wala pang isang dosena ang nakarating sa korte.

Ang karamihan ay nakabinbin pa gaya ng reklamong pandarambong laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo at mga opisyal ng kanyang administrasyon.

“We have to observe due process. That takes time. It’s not only important to file a case but to make sure that the case that we file in court will warrant a conviction,” sabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda.

Sinuspinde rin ang labis na bonus at allowance ng mga opisyal ng government owned and controlled corporations.

Napag-resign si Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Nasibak si Deputy Ombudsman Emilio Gonzalez na nadawit sa isyung suhulan sa kaso ng hostage-taker na si Rolando Mendoza.

Si Special Prosecutor Wendell Sulit, kinasuhan at nasuspinde dahil sa kuwestiyonableng plea bargain deal kay Carlos Garcia.

Nilinis diumano ng Malacañang ang ahensya.

“Big projects, big ticket items that are being bidded out, we’ll make sure that the bidding process is very, very transparent,” sabi ni Lacierda.

Pero habang nakatutok ang administrasyon sa malalaking tao at proyekto, hindi pa rin maalis ang korapsyon sa gobyerno.

Sa isang barangay sa Quezon City, natuklasang overpriced ang proyekto para sa sports equipment.

Inabot ng higit P97,000 ang ilang pirasong basketball, volleyball, dart boards at pins, pito, net at scorecard.

“Hindi ko alam kung iyan nga ba ang sistemang tinatawag nila regarding sa government. Kinakain din ako nito. Ako galing ako sa SK,  ganyan na ang presyuhan,” sabi ni Kagawad Virginia Oliveros.

Tayo na sa tuwid na landas -- ito ang huling mga salita ni Pangulong Aquino sa kanyang inaugural address.

Pero sa napakaraming taon na ng binansagang bulok na sistema sa gobyerno, ang tanong -- magtagumpay kaya ang administrasyon sa loob ng 6 na taong termino nito? Ina Reformina, Patrol ng Pilipino