Philippine Navy iimbestigahan si Col. Mariano


Lumabas sa mga social networking sites ang bidyong ito ni Naval Reserve Command Deputy Chief Colonel Generoso Mariano na naglalabas ng sama ng loob sa gobyerno.

"At kung ang kasalukuyang pamahalaan ay walang intensyon o kaya ay walang naisasagawa upang isalba ang buhay ng mga nakakarami, it is the duty, it is the right of every Filipino including soldiers to replace the government. I repeat, replace the government," sabi ni Mariano.

Pinaiimbestigahan na ito ng Philippine Navy at pansamantalang confined to barracks si Mariano.

Pinatigil din muna ang pag-proseso ng kanyang pagreretiro.

"His privileges will be put on hold. Ang kagandahan naman nito, if you’re proven innocent, maibabalik naman sa kanya ang lahat,” sabi ni Lieutenant Colonel Omar Tonsay, tagapagsalita ng Philippine Navy.

Pero buwelta ng mga kasamahan ni Mariano sa Philippine Marines, walang kasalanan si Mariano dahil tila naloko ito ng mga taong kumuha ng video ng marine officer nang magsalita siya sa isang forum noon sa Club Filipino.

“Kung sino man ang nag-upload noon at nag-release, ‘yung excerpt ng kanyang speech, was to be blamed... Hindi siya... Kasi after that hindi niya alam na nailabas ‘yan,” sabi ni retired Colonel Ariel Querubin, kaibigan ni Mariano.

Kanina dumalaw si Querubin sa quarters ni Mariano.

Doon iginiit ni Mariano na wala siyang ginawang kalasanan.

“Wala po akong pinapatamaan dito. It’s not for him. Ito’y sa bulok na sistema,” sabi ni Mariano.

Ipinauubaya na ng Malacañang sa Armed Forces of the Philippines ang pag-iimbestiga kay Mariano.

“He was not sacked. He was asked to explain his statement. ‘Yong retirement date nga po niya, birthday po niya kahapon so iyon po talaga ang retirement niya talaga,” sabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.

Siniguro rin ng Malacañang na masaya ang hanay ng mga sundalo sa pamumuno ni Pangulong Noynoy. Alex Santos, Patrol ng Pilipino