Bedol, isinuko ng DILG sa Comelec
Maikli lang ang naging pahayag ni dating Maguindanao poll supervisor Lintang Bedol nang iniharap siya ng Comelec sa media.
Inamin ng Comelec, Biyernes pa boluntaryong sumuko si Bedol sa DILG pero di siya agad na-turnover sa Comelec dahil tiniyak pa ang kanyang seguridad.
Isinumite ni Bedol sa Comelec ang kanyang apat na pahinang affidavit at ang affidavit ng tatlo pang election officers ng Comelec na magpapatunay umano sa kanyang mga alegasyon ng dayaan sa halalan.
“We also want to see the witnesses dahil hindi pa namin nakikita. They have the affidavits but we have not seen the persons,” ani Chairman Sixto Brilliantes, Jr.
Sa PNP Custodial Center ipinakulong ng Comelec si Bedol kaugnay ng kasong contempt dahil sa hindi niya pagharap sa imbestigasyon noong 2007 sa umano'y dayaan sa halalan.
Ang Camp Crame ang napili ng Comelec imbes na sa Camp Bagong Diwa kung saan nakakulong si Zaldy Ampatuan.
“We don’t want them to be together. Sinisigurado lang namin baka magkwentuhan ng husto e.We just want to make sure first that what has already been prepared by him with the assistance of his lawyer is what he wants," Brilliantes said.
Tumanggi ang abugado ni Bedol na kumpirmahin kung may kinalaman si Ampatuan sa paglabas ni Bedol matapos ang apat na taon.
“I really can’t comment on that because we are still on the process of evaluating and studying the case of Atty. Lintang Bedol,” pahayag ni Atty. Roberto Ultado, abogado ni Bedol.
Susuriin din ng Comelec ang mga hawak nitong affidavit at ang iba pang mga dokumentong isusumite ni Bedol para matukoy kung sino ang mga sangkot sa dayaan at kung sapat ang mga ebidensiya para madiin sila.
Magpapadala bukas ang Comelec ng mga abugado sa PNP Custodial Center para simulan na ang fact-finding investigation ukol sa mga alegasyon ni Bedol ng dayaan sa halalan. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino.







