DOH: Importanteng malaman ang mga sintomas ng dengue


Puno ng rashes ang katawan ng 9 na taong gulang na si Alrina, at may lagnat pa rin siya. Ayon sa mga doktor, di siya dapat kabahan dahil nasa grade 1 pa lang ang dengue niya. Malaking bagay umano na nadala agad si Alrina sa ospital. Naka-swero na rin siya at binabantayan ang dugo.

Si Mang Raymond, ninenerbyos sa kalagayan ng kaisa-isang anak na si Jacquielyn. Nagsuka ang bata, dumaing ng pananakit ng tiyan, nagkaroon na ng pagdurugo at nanghihina ang katawan. Ibig sabihin, nasa grade 3 na ang dengue niya. Biyernes pa raw nilagnat ang bata, ngunit Lunes na nang nadala ito sa ospital dahil wala raw silang pamasahe.

“Ang hirap po. Kapag nakikita ko pong nahihirapan yung anak ko, parang naghihirap din po yung kalooban ko e,” daing ni Mang Raymond.

Ginagawa ng mga doktor sa San Lazaro hospital ang lahat ng paraan para di na umabot pa sa grade 4 ang dengue ng bata.

Isa sa eksaminasyon na ginagawa sa isang pasyenteng may lagnat ang “Torniquet test.” Sa pamamagitan nito, makikita kung may senyales ng pagdurugo at kung posibleng may dengue ang isang tao.

Kapag nasa stage 3 ang dengue, binabantayang mabuti ng mga doktor ang pasyente para maiwasang magkaroon ng organ failure at impeksyon sa utak.

Paliwanag ni Dr. Lyndon Leesuy kaugnay ng maaaring maging resulta nito, “Pwedeng may mas mahinang parte ng katawan, pwedeng mawalan ng malay. Depende sa kung gaano kalala ang pagdurugo.”

Ayon sa DOH, di na raw dapat paabutin pa sa ganitong punto.

Giit nga ni Dr. Leesuy, “Kung meron nang nilalagnat sa kanilang pamilya, halimbawa mahigit 48 hours nang nilalagnat na hindi nag-iimprove ang kanilang kondisyon, ipatingin na nila.”

Sa San Lazaro Hospital, unang 2 linggo pa lamang ng Agosto ay 504 na ang na-confine dahil sa dengue. Hindi pa sigurado ang mga doktor kung kailan huhupa ito. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino.