HK tuloy sa pagluluksa dahil sa nasawing hostages
Isa na namang malungkot na araw sa Hong Kong.
Ngayon ang itinakdang araw ng pagluluksa para sa mga Hong Kong residents na napatay sa Pilipinas noong Lunes.
Pinangunahan ni Chief Executive Donald Tsang, kasama ang lahat ng senior government officials ang memorial service sa Golden Bauhinia Square sa Wan Chai.
Ginunita nila ang mga buhay na nasayang sa pag-aalay ng tatlong minutong katahimikan.
Kasabay nito, huminto rin ang lahat ng trabaho sa gobyerno maliban sa emergency services at border control.
Nakiisa ang daan-daang mamamayan. Ang ilan sa kanila, hindi pa rin matanggap ang nangyari.
Noong Martes pa naka-half mast ang mga bandila sa lahat ng tanggapan ng Hong Kong government at Central People's Government.
Lumapag sa Hong Kong Miyerkoles ng gabi ang mga bangkay ng walong turistang nasawi at apat sa pitong nasaktan sa hijacking sa Quirino Grandstand at ang mga sumundong kamag-anak.
Huwebes ng gabi naman inaasahang umuwi ang isang survivor na nabasagan ng bungo. – Nadia Trinidad, Patrol ng Pilipino, Hong Kong
08/26/2010 11:32 PM







