Mga websites ng gobyerno na-hack


Naging target ng mga hackers ang ilang government websites noong weekend.

Ang Bulacan provincial website: napasok ng "Dragons Hack" na umano'y miyembro ng isang unyon ng mga hackers mula China at Malaysia.

Naglagay sila ng mensahe na nasa Chinese characters na ang ibig sabihin: "Dapat  humingi ng paumanhin ang Pilipinas sa madugong hostage crisis sa Maynila."

Hindi rin nakaligtas ang website ng Philippine Information Ageny kahapon. Sa Google search pa lang makikita na "Hacked by 7z1" ang PIA website. Sa loob ng website makikita ang bandila ng China at ang salitang black matrix team.

Noong isang linggo naman bumagsak ang website ng Philippine National Police. Hindi pa sigurado kung ito'y dahil din sa hackers.

Pero na-trace ng PNP na galing sa ibang bansa ang activity sa website bago ito bumagsak.

Ayon sa Malacañang, patunay lang ang mga ito na mahina ang seguridad ng ilang government website.

“The fact that the websites have been hacked show they were not secure. So Secretary Coloma is taking, in his words, the best practices to ensure that the websites will be secured,” ani Presidential Spokesperson Edwin Lacierda.

Pakiusap naman ng Malacañang kung sakaling kagagawan ito ng mga Pinoy:

“Kung sakali, gawa ito ng Pilipino, napaka-iresponsable naman nila.. Huwag naman sana nila i-escalate iyong otherwise na hopefully nagiging normal na atmosphere ngayon," ani Lacierda.

Pero ilang oras lang matapos ang panayam kay Lacierda, napag-alaman ng ABS-CBN News na na-hack naman ang website ng Hagonoy, Bulacan. TJ Manotoc, Patrol ng Pilipino

08/30/2010 10:56 PMBookmark and Share