Bersyon ng vendors, bagong anggulo sa hostage taking
Isang linggo makalipas ang hostage crisis sa Quirino Grandstand, nabawasan ang turistang namamasyal sa Fort Santiago kung saan inumpishan ni dating Senior Inspector Rolando Mendoza ang pangho-hostage.
Binalikan ng ABS-CBN News ang lugar at ayon sa ilang testigo, nang dumating doon ang hostage taker ay hindi ito kinakitaan ng anumang senyales na may plano palang mang-hostage ng mga turista.
Isang linggo na ang lumipas may bumibisita pa din sa Fort Santiago ang pinanggalingan ng hostage taker. Pero bihira ang turistang banyaga.
Ayon sa isang vendor, noong Lunes na iyon, maaga niyang nakita ang unipormadong pulis, “Maaga pa kami dito, mga 8:30 dito na kami eh. Nasalubong ko pa dito si Mendoza naka-camouflage. 'Yong sinasabi nilang armas, wala akong nakitang armas parang napansin ko lang, may kasama siyang babae, naka-orange.”
Si Ruth Del Castillo, isang tour guide, ang nilapitan ni Mendoza.
“Tinanong niya ko, 'yan ba iyong tourist guide na papuntang Libingan ng mga Bayani?. And then, sabi ko, sir, escort ba kayo? Kasi nakita ko iyong backpack niya at saka iyong rifle, nandoon sa likod, nakasukbit. Sabi niya oo. And then after that, lumakad na siya. Naglakad na siya, going to the bus,” pahayag ni Ruth.
Ayon sa isang batang vendor na noo'y nasa labas umano ng pinto ng bus, dinig na dinig nya ang pag-uusap ng bus driver at ni Mendoza.
“Kasi ho, nakiki-angkas ho iyong, Mendoza sa bus. Tapos, iyon nga ho, sabi, "saan ba iyong Libingan ng Bayani dito?" nagtanong sa driver ng bus. Sabi, "mamaya pa ho kami pupunta doon, dadaan kami sa grandstand". "Sabay na ko doon para isang pamasahehan na lang,” salaysay ng bata.
Ayon sa batang vendor, ayaw pa sanang isakay ng driver ang unipormadong pulis.
“Sabing ganoon ng driver: 'Boss baba ka, baka makita ka ho ng amo namin dito, kasama, itong tour guide namin magsusumbong'. Na-ano ho, kayo bumaba, sarado niyo 'tong bus, kayong dalawa, bumaba kayo, sarado niyo 'tong bus". "Boss aalis na ho kami". Sabi niya: "Hindi sarado niyo, i-abante niyo na". Inikot ho iyong baril, tapos iyon nga ho, in-abante,” pahayag ng bata.
Nakunan na ng pahayag ng PNP at NBI ang mga taong namamalagi sa Fort Santiago. Gagamitin ang kanilang testimonya para mabuo ang mas malaking larawan sa puno't dulo ng hostage crisis. Jorge Cariño, Patrol ng Pilipino







