Autopsy report ng PNP sa hostage victims kinuwestyon
Sa 8 namatay na biktima ng hostage taking noong August 23, 4 sa mga ito ang hindi pinayagan ng mga kaanak na i-awtopsiya ng Philippine National Police-Crime Laboratory (PNP-CL).
Sa inilabas na autopsy report ng PNP sa mga labi ng iba pang biktima, 3 sa kanila ang nagtamo ng tig-isang tama ng bala sa ulo, kasama si Ting Chun Tse, ang tour guide na ipinosas ni dating Senior Inspector Rolando Mendoza sa estribo.
Pinakamaraming tama ng bala ang 39-anyos na si Cheuk Yan Fu -- sa ulo, leeg at katawan.
Ang 14-anyos na si Leung Song Yi, may tama ng bala sa dibdib at tiyan.
Ang tatlo pang mga biktima, namatay sa mga tama ng bala sa leeg at balikat.
Isa sa mga biktima ang natamaan ng bala sa likod na lumusot sa kanyang baga at ugat sa puso.
Nadismaya naman ang forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun sa resulta ng autopsy.
Hindi raw naging masinsin ang ginawang pagsusuri sa mga katawan ng biktima.
“It’s a typical autopsy report in the Philippines which is one-page long,” ani Fortun.
Ayon kay Fortun, sa mga nagtamo ng multiple gunshot wounds ay hindi tinumbok sa autopsy report kung alin ang ikinamatay ng biktima.
“Dapat may specific, kasi ang tanong mo ‘Alin doon sa mga tama niya ang ikinamatay niya? Alin iyong pinakagrabe?’” anang eksperto.
Isinasama rin dapat sa autopsy ang damit na isinuot ng biktima.
“May description ng damit pero walang sinasabi about tama ng bala sa damit,” dagdag ni Fortun.
Ayon pa kay Fortun dapat matukoy kung saan nakaposisyon sa loob ng bus ang mga namatay upang malaman kung kanino galing ang balang nakatama sa kanila.
Kailangan ding makunan ng pahayag ang mga nakaligtas.
Ayon kay Fortun, isang naging pagkakamali ay ang pag-alis agad sa mga bangkay sa loob ng bus.
“Kung talagang patay na, ang best option ay iwanan mo siya sa scene,” aniya.
Bukod sa tama ng bala napansin din ni Fortun ang ibang sugat ng mga biktima.
Pinuri naman ni Fortun ang pagdadala ng bus sa warehouse ng PNP para mapreserba ang crime scene.
Ngayong nabubuo na ang mga resulta ng eksaminasyon mahalaga ang pag-reconstruct ng crime scene upang malaman ang buong kuwento sa loob ng bus. -- Maan Macapagal, Patrol ng Pilipino




Dr. Raquel Fortun - Manahimik na muna
Hwag ka na munang magsalita ng mga pagkakamali. Hindi ka nagiging solusyon o sagot sa problema ng bansa. Lalo pang lumalaki ang sunog. Sunog na sunog na tayo sa buong mundo.