Bisa ng 'tawa tawa' kontra dengue pag-aaralan


Nilagnat si Wilma Banasta. Nagsuka, nanamlay at lumabas ang rashes sa kanyang braso at paa. Tinamaan daw siya ng dengue. Biglang bumaba ang platelet count niya mula 230,000 naging 162,000 na lamang. Pero nang payuhan daw siya ng kapatid na maglaga ng damong tawa tawa" at gawing tsaa, ito na raw ang nagsilbi niyang tubig habang maysakit.

"Iyong pinakamababa 162, pero noong uminom ako ng tawa tawa naging 201. Tumaas siya," ani Banasta.

Ang tawa tawa na kilala rin sa tawag na gatas-gatas ay pinaniniwalaang nakakapagpataas ng platelet count ng mga may dengue.

Ang tawa tawa ay maaring makita sa kahit saang bakuran na may mga tumutubong halaman, pero ayon sa mga naniniwala dito dapat daw kapag kinuha ito sa lupa ay kasama ang ugat.

Ayon naman kay Dr. Isidro Sia, director ng Institute of Herbal Medicine (IHM), wala pang patunay sa bisa ng tawa tawa.

"Walang mga pag-aaral o ebidensya para tuwirang sabihin na ang tawa tawa ang nagpagaling sa dengue. Sa dengue fever ang mahalaga, kung may sakit na dengue fever ay iyong hydration," ani Sia.

Magsasagawa naman ng pag-aaral dito ang Department of Healt (DOH).

"Wala pa tayong talagang tunay na effort to see whether tawa tawa is truly effective or not. However, isasama ho natin iyon sa ating susuriin," ani DOH Secretary Enrique Ona.
 
Ayon sa DOH at IHM, wala rin namang masamang inumin ang tsaa na tawa tawa, pero paalala nila na kasabay ng pag-inom nito ay dapat pa ring sundin ang gamot na ibinigay ng doktor. -- Sol Aragones, Patrol ng Pilipino

09/02/2010 12:14 AMBookmark and Share