3 kabaong ng HK tourists nagkapalit-palit umano


Noong Miyerkules inuwi sa Hong Kong ang bangkay ng 8 Hong Kong tourists na napatay sa madugong hostage-taking crisis sa Quirino Grandstand.

Pero ngayon, lumalabas na maling kabaong ang iniyakan ng 3 sa mga pamilyang sumundo sa kanilang nasawing kamag-anak sa airport.

Sa ulat ng foreign news service na Associated Press, nadiskubre raw ng mga opisyal sa Hong Kong na nagkabalibaliktad ang pangalan sa kabaong ng 3 sa mga biktima ng trahedya.

Paniwala ng Hong Kong authorities, nangyari ang kalituhan sa Pilipinas, sa mismong punerarya kung saan inihanda ang mga bangkay.

Ito ang pinakahuling dagok sa pamahalaan matapos ulanin ng batikos dahil sa palpak na hostage negotiations noong August 23.

Hindi pa nakukumpirma ng mga opisyal dito sa Pilipinas kung totoo nga ang kalituhan sa pagkakakilanlan ng mga bangkay.

Maging ang Chinese amabassador sa Pilipinas, wala pa raw alam sa anomalya.

Humingi naman ng paumanhin si Social Welfare Secretary Dinky Soliman kung totoo nga ang aberya sa pagkakakilanlan ng mga biktima.

Iniimbestigahan na niya kung totoo ang ulat. – Atom Araullo, Patrol ng Pilipino

09/03/2010 3:00 AMBookmark and Share