Dalawang pulis Hong Kong pinigil sa NAIA


Dakong alas-10 ng umaga nag-check in sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang dalawang Hong Kong police officers para sa kanilang 11 a.m. flight pabalik ng Hong Kong.

Sa initial X-ray inspection area, nakita ng mga tauhan ng Aviation Security Group ang mga dalang basyo ng bala at slugs sa hand carried-baggage ni Chief Inspector Li Kwai Wah at kasama niya.

Pinalagpas pa rin ang dalawa.

Pagdaan nila sa immigration area, hindi pa rin nila idineklara ang kanilang mga bitbit.

Dito na umaksyon ang aviation security at pinigilan silang sumakay ng eroplano.

Dinala ang dalawa sa NCR Police Center for Aviation Security.

Tig-apat na empty shells at slugs mula sa M16 rifle at tig-apat na empty shells at slugs mula sa calibre .45 na baril ang nakuha sa kanila.

Matapos ang halos apat na oras, dumating ang representative ng Department of Justice (DOJ).

Nagkaroon lamang daw ng hindi pagkakaunawaan.

"There was a misunderstanding. Mr. Li Kwai Wah, chief inspector from Hong Kong, was actually authorized to bring those shells to Hong Kong. During a meeting with Hong Kong authorities, pinayagan sila na mag-conduct ng test fire at mag-inspect ng bus (they were allowed to conduct test fire and inspect the bus)," ani DOJ Undersecretary Jose Vicente Salazar.

Gamit ang kanilang bala, pinayagan ang mga taga-Hong Kong na paputukin ang mga baril na ginamit ni dating Senior Inspector Rolando Mendoza para sa ballistic test.

Kaya lamang, para maiuwi ang basyo kailangan nila ng clearance, hindi lamang mula sa Philippine National Police kundi pati na rin sa DOJ na siyang namumuno ngayon sa imbestigasyon, na nakalimutan nilang gawin.

Hindi daw diretsahang humingi ng tawad, pero nangako ang mga Hong Kong police officers na hindi na ito mauulit.

Binigyan ng DOJ ng clearance ang dalawang Hong Kong police officers at natuloy ang biyahe nila alas-5 ng hapon.

Hindi maitatangging tensyonado na ang relasyon ng Pilipinas at Hong Kong simula nang mangyari ang hostage drama.

Kaya't ingat na ingat na rin ang marami para hindi na ito dagdagan pa.

Tiniyak naman ng DOJ na nilinaw na nila ang proseso sa kanilang mga counterpart sa Hong Kong. – Zen Hernandez, Patrol ng Pilipino

09/03/2010 2:48 AMBookmark and Share