Text messages kay Mendoza kasama sa imbestigasyon
Sa technical examination ng mga awtoridad sa cellphone ni dating police senior inspector Rolando Mendoza, ilang text messages ang nakuha sa cellphone na ipinada noong mga oras na hostage niya ang tourist bus noong August 23.
Sa ilang text message bago magtanghali, may mga nagwa-warning pa sa kanya.
“Tito ingat k wag k mxado sumilip sa labas bka masniper ka!,” anang isang text message.
May mga mensahe na tila pagpapahayag ng suporta kay Mendoza. “Gud pm rolly saludo ako syo sa ipinaglalaban mo sna makamtan mo ang mga hinaing mo may awa ang diyos mag-ingat ka."
Sa isa pang text message, ipinapaalam kay Mendoza ng nag-text ang mga balitang ipinalalabas sa telebisyon tulad ng pagkakaugnay niya sa droga. Pinayuhan pa niya si Mendoza kung ano ang dapat niyang sabihin sa media.
“Rolly, andiyan nay an. Sa TV news pinalalabas na involved ka sa drugs. E correct mo yon at tell them (media) na isa lang ang nagreklamo sa iyo at di lang ikaw ang denemanda marami kayo. At wag mong sasaktan ang mga hostages.”
Pero karamihan sa mga text messages, nagpapayong sumuko na lamang siya.
“Pre c preng ___ m 2 sumuko k nlng pre mpguuspan yan wag m syngin ang magadng ipnkita mo s pmilya m puro tapos n mga anak m pki usa lang sumuko k n pguspan n lng problema m sge na pre pls.”
Ang isa, nagsasabing huwag sayangin ang mga nagawa niyang mabuti sa pamilya at pagpapaalaalang napagtapos ni Mendoza sa pag-aaral ang mga anak.
Kahit ang mga mga kaibigan at kababayan ni Mendoza hinihimok na rin siyang sumuko, ipinapaalala sa kanyang hindi mahalaga ang pera kundi ang buhay niya.
Kahit ang mga kamag-anak ni Mendoza, wala ring tigil sa pagti-text sa kanya.
Paulit-ulit na pinapaalaala kay Mendoza kung gaano karami ang nagmamahal sa kanya.
May nag-alok pa sa kanya ng abogado para makatulong sa kanya.
May mga miyembro rin ng media na nagti-text kay Mendoza para makausap siya.
Bago sumapit ang alas-6 ng gabi, ilang text messages ang natanggap ni Mendoza patungkol sa sulat na darating mula sa Ombudsman.
“Rolly dadalhin na dyan ang sulat dumating na c Vice mayor Moreno.”
Bandang 6:09 ng gabi, isang text ang natanggap ni Mendoza na dumating na raw ang sulat mula mula sa Ombudsman dala ni Manila Vice-Mayor Isko Moreno.
Mula 7:20 ng gabi pataas, tuloy pa rin ang padala ng mga text messages na hinihimok si Mendoza na sumuko na.
Pinag-aaralan ngayon ng mga awtoridad ang mga text messages na natanggap ni Mendoza pati na rin ang mga tawag na natanggap niya sa kanyang cellphone.
Nakipag-ugnayan na rin ang awtoridad sa mga taong nakausap ni Mendoza, sa text man o sa telepono upang malaman kung ano ang kondisyon ng pag-iisip at damdamin ng hostage-taker noong kasagsagan ng krisis. -- Maan Macapagal-Patrol ng Pilipino
09/03/2010 11:41 PM



