Paggisa ni Robredo kay DILG USec Puno binatikos


Sa pagdinig ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) noong Biyernes, maraming nakapansin sa paggisa ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo sa sariling niyang undersecretary na si Rico Puno dahil sa naging hakbang ng Philippine National Police (PNP) sa hostage-taking insident sa Quirino Grandstand.

Sa halip na puri    panay batikos ang inabot ng kalihim sa mga social networking site.

Sabi ng iba, hindi raw dapat sumali si Robredo sa fact-finding body dahil hawak niya ang PNP.

Hindi rin daw maganda na ginigisa niya sa publiko ang sariling tauhan.

Pati mga mambabatas , pinuna ang tila paghuhugas kamay ni Robredo kahit pa sinabi ni Pangulong Aquino na si Puno ang direktang namamahala sa PNP.

“I do not think that it is appropriate that he should be member of the investigating panel,” ani Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Villafuerte.

Ipinagtanggol naman si Robredo ni dating Isabela governor Grace Padaca.

“Si Secretary Rebredo siguro ang pinakahuling tao na magtatago sa kanyang responsibility at accountability,’ pahayag ni Padaca.

Huwag din daw haluan ng pulitika ang trahedya ng hostage-taking!

Panawagan ngayon ng mga taga-suporta ni Robredo kay Pangulong Aquino na ibigay na ang buong tungkulin ng DILG sa kalihim para hindi na maulit ang kalituhang nangyari. – Apples Jalandoni, Patrol ng Pilipino