Mga Pinoy sa Hong Kong, walang dapat ipangamba


Lumamig na nga ba ang kanilang ulo? Sa dalawang linggong pagluluksa ng Hong Kong, nabawasan na nga kaya ang poot nila sa mga Pilipino?
 
Sa pagkakataong ito, ang kanilang gobyerno na mismo ang naniniguro, walang dapat ipangambang paghihiganti ang mga Pinoy dito.

Sa panayam kay Hong Kong Secretary for Security Ambrose Lee, sinabi niyang mapayapa namang naipahayag ng kanyang mga kababayan ang kanilang sama ng loob sa nangyari.
 
Idinaan daw nila ito sa pagdarasal, damayan sa mga social networking sites sa Internet at pagkilos sa lansangan. Wala raw silang Pinoy na kinuyog.
 
Dito pinabulaanan rin ng kalihim ang mga kumakalat na text messages tungkol sa mga Pilipinong umano'y nasabuyan na ng asido, binaril ng kanilang amo o maging ang tsismis na napakarami nang OFW ang nasisibak.
 
Kung sisilipin ang datos mula sa konsulado, dalawa at hindi bultu-bulto ang naitalang bilang ng mga domestic helper na nawalan ng trabaho bunga ng poot ng ilang taga-Hong Kong sa mga Pilipino.
 
Ayon sa isang non-government organization na naging takbuhan na ng mga naabuso, ligtas pa rin naman ang mga Pinoy sa Hong Kong.
 
"Generally, I think the local community is still supportive of the Filipinos. I mean, there are a small number of incidents, these are not very rampant," ani Edwina Antonio ng Bethune House.
 
Ang mga pailan-ilan na insidenteng ng pagsusungit sa mga Pilipino ay iniintindi na lamang ng dating domestic helper na si Mae Collado.
 
“We cannot blame the Chinese people because of what happened, and because of their anger, maybe they can speak some not good words to us, just like that," aniya.
 
Ang mambabatas na si Cyd Ho, puspusan ding ipinagtatanggol ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Hong Kong.
 
"Domestic helpers who left their home and children and came all the way over to Hong Kong to help us with our domestic work are also victims of a corrupted and incapable government. So, most people in Hong Kong would not be hostile towards the Philippine friends in Hong Kong," ani'ya.

Abot na sa 130,000 ang mga Pilipinong domestic helper sa Hong Kong, kumikita ng mahigit P25,000 kada buwan para buhayin ang kanilang pamilya sa Pilipinas.

Kilala sila sa Hong Kong sa tawag na “amah” at makailang ulit mang kinondena ng ilang pulitiko dito sa Hong Kong ang trahedya at bulilyaso sa Pilipinas na nagbuwis ng buhay ng kanilang mga kababayan, aminado silang hindi puwedeng pagdiskitahan ang mga Pilipino na nagpapagaan ng takbo ng kanilang buhay sa Hong Kong. -- Nadia Trinidad, Patrol ng Pilipino, Hong Kong

09/06/2010 11:17 PMBookmark and Share