Training ng 100,000 health workers kinansela ng DOH
Sa health center sa Lanuza, Maynila, pito bawat araw ang mga kumukonsultang pasyente dahil sa lagnat. Sapat naman daw ang bilang ng mga health worker nila ngayong laganap ang dengue. May nakaantabay sa health center na apat na barangay health workers, dalawang nurse at isang doktor.
Hinihikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na kapag may mga kamag-anak na nilalagnat ay dalhin agad ang mga sa pinakamalapit na health center para agad malaman kung ang lagnat ay puwedeng gamutin sa bahay o kailangan nang dalhin sa pagamutan dahil may kasama na itong warning signs ng dengue.
Pansamantalang susupendihin ng DOH ang mga out-of-town training at seminar ng mahigit 100,000 local health workers para matugunan ang pangangailangan ng publiko sa paglaban sa dengue.
"I have directed DOH staff, together with local health workers, to suspend out of town training to make sure that they can attend to their work and help the LGU (local government unit)," ani Health Secretary Enrique Ona.
Malaki ang papel ng mga health worker sa pamamahagi ng impormasyon tungkol sa dengue.
Ang mga health worker sa Maynila, nag-ikot para kolektahin at alamin kung pinamugaran ng mga kiti-kiting may bitbit na dengue ang mga breeding site na kanilang itinanim. May mga nag-positibo rito kaya iginigiit nilang pinakamabisa pa ring paraan sa pagpuksa sa dengue ang paghahanap sa mga pinamumugaran ng lamok.
Sa ngayon, marami pa ring mga pagamutan ang puno ng mga pasyenteng na-dengue. Sa isang pampublikong ospital sa Cagayan de Oro, halos 50 pasyente ang na-confine nitong araw ng Martes lamang dahil sa dengue.
Umakyat na sa 69,594 ang kabuuang kaso ng dengue sa bansa. Abot sa 99% ang itinaas nito kumpara noong nakalipas na taon.
Inaasahan naman ng DOH na bababa rin ang bilang sa mga susunod na araw dahil sa pinaigting na kampanya ng gobyerno. – Sol Aragones, Patrol ng Pilipino







