300 pang kadudadudang loan ng Globe Asiatique nabuking
Kumpleto sa pasilidad ang dalawang Xevera sa Pampanga.
Nandoon na ang munsipyo, may simbahan, eskwelahan, palengke at playground pero sa likod ng tila magandang takbo ng buhay sa loob ng dalawang subdivision, lalong lumala ang kontrobersiyang kinasasangkutan ng developer ng housing project- ang Globe Asiatique.
Sa unang linggo ng Setyembre, 371 na benificiary ang hindi na mahagilap o walang alam na nangutang sila sa Pag-IBIG. Dagdag ito sa 1,600 na aplikante na unang natuklasang kulang sa mga papeles, hindi mahanap o nagamit lang ang pangalan sa loan.
Sangkaterba ang salaysay na nakuha ng Pag-IBIG sa mga kahina-hinalang account: may umaming nagpagamit ng pangalan, hindi alam na nagamit ang pangalan, at ayaw nang ituloy ang housing loan.
Papalo ng mahigit P1.3 billion ang hinahabol ng Pag-IBIG sa Globe Asiatique at kahit daw mabayaran, hindi pa rin lusot ang kumpanya.
“May violation pa rin kasi at this point in time kasi under audit, under investigation sa office po ng head office,” ani Erlinda Francisco, regional manager ng Pag-IBIG sa Pampanga.
Habang tinatapos ang full audit sa lahat ng Xevera accounts ng Globe Asiatique, sinimulan na ng Pag-IBIG ang proseso ng blacklisting sa kumpanya.
Nilinaw ng Pag-IBIG na sa kaso ng mga nagamit lamang ang mga pangalan o kulang ang dokumento, ang Globe Asiatique pa rin ang hahabulin nila dahil ginarantiyahan nito ang pautang.
Sa mga lehitimo namang home owners, may direktiba na ang Pag-IBIG na imbes na sa Globe Asiatique, sa kanila na dapat i-remit ang buwanang bayad sa bahay.
Wala namang reklamo ang kumpanya. Sigurado raw silang hindi tatakbuhan ng may-ari ng Globe Asiatique ang home owners.
“Karamihan sa ating mga home owners nalulungkot sa mga naririnig. Hindi sila dapat kabahan. Nandiyan ang opisina namin, nandiyan si Mr. Lee para sa kanilang mga concerns,” ani Dina Enage, head ng property management ng Globe Asiatique.
Kung meron daw natakot, marami rin namang interesado pa ring kumuha ng bahay sa kanila. – Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino
09/08/2010 12:01 AM







