NBI team kinapanayam mga hostage survivors sa Hong Kong
Dalawang araw nang nakikinig si Department of Justice (DOJ) State Prosecutor Cielito Celi sa mga kuwento ng mga biktimang nabihag pero nakaligtas sa pangho-hostage ni Rolando Mendoza.
Dalawang araw na niyang pinababalik-tanaw sa mga nakaligtas ang kanilang dinanas sa loob ng bus noong Agosto 23.
Kasama sina National Bureau of Investigation (NBI) head agent Danielito Lalusis at ang ballistics expert na si Perla Landicho, nakikipagtulungan sila sa Hong Kong police para maisulong ang joint investigation ng Pilipinas at Hong Kong sa nangyaring bus hijacking sa Maynila na ikinamatay ng 8 Hong Kong tourists.
Nitong Martes, ang mag-asawang sina Lee Yick Biu at Lee Fung Kwan ang kanilang kinuhanan ng sinumpaang-salaysay. Ang dalawa ang mag-asawang naunang pinalaya ng hostage-taker.
“Magaganda naman din ang nangyari din doon kasi naging cordial ang tanungan. Si Mr. Lee naman naging open sa atin sa mga tanong. Si Mrs. Lee din, ganoon din,” ani Celi.
Nitong Miyerkules, pinuntahan naman nila sa mga ospital ang mga nasaktan.
Mahigit 2 oras nilang kinausap si Joe Chan Kwok Chu sa Prince of Wales Hospital. Siya ang biktimang tumamo ng sugat sa kamay pero ayaw na munang ilahad ni Celi ang mga ibinunyag ng biktima sa kanila.
Binisita rin nila ang ina ni Jason Leung na si Amy.
Si Jason ang binatilyong nabasagan ng bungo at kasalukuyang ginagamot sa intensive care unit ng Tuen Mun Hospital.
Sa naturang pagamutan, maging ang mga hindi kaanu-ano ni Jason ay nag-iiwan ng bulaklak o nagpapaskil ng mensahe para sa kanya. Lahat nakikiisa kay Amy sa pagdarasal na magising na si Jason sa kanyang coma.
Hanggang Biyernes pa mamamalagi sa Hong Kong ang investigating team mula sa Pilipinas.
Umaasa silang may mapipiga pang impormasyon na makatutulong sa paghahanap ng katotohanan sa likod ng nangyaring trahedya at bulilyayo sa Quirino Grandstand. – Nadia Trinidad, Patrol ng Pilipino, Hong Kong
09/08/2010 11:19 PM



