Piston mangunguna sa tigil-pasada sa Lunes
Siyento porsyentong tuloy ang tigil-pasada ng grupong Piston sa hatinggabi ng Lunes, Setyembre 19.
Paparalisahin nila ang transportasyon sa Metro Manila at karatig-lalawigan hanggang sa Mindanao.
Wala diumanong konkretong inilatag si Pangulong Aquino kahapon sa pagrepaso sa Oil Deregulation Law at sa hiling nilang rolbak na P9.
“Ang hinahanap natin 'yung sasabihin na ‘Oh sige, sa panahon na ito ipadadala natin ito bilang priority bill sa Kongreso.’ At least doon siguro na may definite policy. Eh kahapon no timeframe so open-ended,” sabi ni George San Mateo, secretary general ng Piston.
Hindi naman sasama sa tigil pasada ang grupong Pasang Masda, LTOP at Fedjodap.
“Hindi po karuwagan sa hanay ng Pasang Masda, sa grupo ng LTOP, ng Fedjodap ang aming ginawang pag-atras. Pero umatras po kami, ipinagpapatuloy po namin ang laban tungkol dito sa oil price ng petrolyo,” sabi ni Obet Martin, pangulo ng Pasang Masda.
Hati naman ang opinyon ng mga tsuper at mga pasahero sa tigil-pasada.
“Kung mayroon nga ibabayad, wala namang sasakyan. Mahirap na,” sabi ng isang pasahero.
“Makipag-usap na lang nang maayos para pare-pareho tayong hindi mapeperwisyo,” sabi pa ng isang pasahero.
Sa taya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), 20,000 jeep ang hindi bibiyahe sa Lunes sa Metro Manila.
Ayon sa MMDA, walang dapat ipangamba ang mga pasaherong masa-stranded sa araw ng tigil-pasada dahil handa ang mga bus ng ahensiya at military truck ng Armed Forces of the Philippines na puwedeng sakyan.
Ipinagpaliban ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang biyahe sa Amerika para pangasiwaan ang libreng sakay.
“Hinihikayat ko rin po ang grupong Piston na tumalima sa mga kasunduan. Handa po ang ating kapulisan na ipatupad po ang ating batas,” sabi ni Tolentino.
Nagbabala naman ang Palasyo sa mga lalahok sa tigil-pasada.
“Kung sila po ay lumabag sa kanilang prangkisa, we will take appropriate action,” babala ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda.
Samantala, pag-uusapan na ng Philippine National Police ang isyu ng kotongan habang hihintayin ng MMDA ang resulta ng pag-uusap ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at ng mga Metro Manila mayors sa isyu ng single ticketing. Alex Santos, Patrol ng Pilipino
09/15/2011 9:28 PM







