Estudyante, opisyal, guro, at kawani ng PUP, nag-walk-out
Libu-libong estudyante, opisyal, guro, at kawani ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang nagwalk-out sa eskuwelahan kanina para igiit ang dagdag na budget para sa pamantasan.
Nasa P735 million lang kasi ang nakalaan para sa PUP sa susunod na taon, na wala pang kalahati sa kanilang mungkahing P2 billion na budget.
Dahil sa kakulangan sa pondo, taun-taon daw ay nasa bingit ng alanganin ang PUP.
"Ang turing kasi ng ating gobyerno sa edukasyon ay isa na lamang pribilehiyo. Nanininiwala tayo na ang edukasyon ay basic right ng isang tao na dapat ay binibigay sa kahit anong level,” sabi ni Rommel Aguilar, PUP student regent.
Sa UP Diliman, nagsagawa ng "freeze mobilization" ang mga estudyante bilang protesta sa napipintong budget cut ng unibersidad.
Dinaan naman sa sayaw ng mga mag-aaral sa UP Manila ang kanilang panawagan.
Malaki raw ang epekto sa kanila ng budget cut lalo't makakaltasan din ang panggastos ng UP-PGH, na inaasahang ospital ng marami.
“Puno ng talento ang mga kabataan, pero bakit ‘yung mismong gobyerno ayaw sila pag-aralin?" sabi ni Cleve Arguelles, vice chairperson ng UP Manila student council.
Nakatakda naman ang sama-samang protesta ng mga estudyante mula sa iba't-ibang unibersidad at kolehiyo sa darating na Biyernes. Atom Araullo, Patrol ng Pilipino
09/20/2011 10:07 PM







