Akbayan, ipinadedeklarang 'kaaway ng demokrasya' si Marcos


Sa House Resolution 1756, ipinahaharang ng Akbayan party-list ang anumang panukala na parangalan bilang bayani si dating Pangulong Marcos.

Sinisisi ng Akbayan ang administrasyon ni Marcos sa pagkamatay ng higit 3,000 tao at mga karahasan ng militar.

Ito rin umano ang yumurak sa press freedom at dahilan kung bakit nabaon sa utang ang bansa.

Giit ni Rep. Arlene Bag-ao, "Hindi natin dapat talaga ibalik ang usapan na i-declare siyang hero o kahit payagan man lang na ilibing siya sa Libingan ng mga Bayani.”

Ipinapaubaya naman ng Palasyo sa Kongreso ang pagdeklara kay Marcos bilang "enemy of democracy," pero hindi raw dapat makalimutan ang mahahalagang leksyong natutunan sa Martial Law.

"We would like to raise the mantra of 'never again' -- never again should we allow dictatorship to flourish, never again should we allow dictatorship to lord over a democratic country like the Philippines, " sabi ni Edwin Lacierda.

Ipinagtanggol naman ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos ang ginawa ng kanyang ama.

Aniya, “Karapatan ng sinumang kinatawan na maghain ng anumang bill, subalit sa tingin ko naman ‘yung history ika nga ay siyang magpapakita ng katotohanan.”

Sinabi naman ni Senador Bongbong Marcos sa kanyang Twitter account kahapon na tanging kasaysayan ang huhusga sa martial law sa tulong ng mga historian na walang pansariling interes. RG Cruz, Patrol ng Pilipino