Mga estudyante, nag-planking bilang protesta sa budget cut


Dapat daw amyendahan ang 2012 budget ayon sa mga estudyante.

Bakit daw tumaas ang budget sa intelligence fund at iba pang alokasyon,  samantalang bumaba ang para sa mga state colleges and universities?
 
Sinuyod ng mga estudyante ng UP Manila ang kanilang eskuwelahan at hinikayat ang mga ka-eskuwela na mag-walkout bilang protesta sa P569 million na ibinawas sa 2012 budget para sa mga state colleges and universities o SUCs.

Hindi nakisali ang ilang estudyante.

"Gusto naman namin pero may exam lang po talaga,” sabi ng pharmacy student na si Kim Estoque.

Pero ang ilan, sumunod sa walkout.

"Marami na ang hindi nakakapag-aral dito dahil sa tuition," sabi ni Joy Tamayo, isa ring pharmacy student.

Nakisama rin sa rally ang UP Diliman, TUP, PNU, PUP at RTU.

Nag-martsa sila mula Taft Avenue hanggang Mendiola, na tinawag nilang “tsunami walk.”
 
Sa Mendiola, sinunog nila ang effigy ni Pangulong Aquino.

Nagsayawan ang mga estudyante at muling nag-planking.

Nagdulot naman ito ng matinding trapiko sa Recto.

"Dinagdagan nila ang pork barrel, ang pondo ng military pero binawasan nila ang para sa edukasyon at ospital,” sabi ni Vencer Crisostomo, national chairperson ng Anakbayan.

Pero ayon sa Malacañang, nakikinig sila sa hinaing ng mga estudyante.

"Hindi tayo oblivious doon sa mga concerns ng ating mga estudyante. Katulad nga po ‘yung sa PUP, sinabi naman natin that if you compare the 2011 National Expenditure Program (NEP) to the 2012 NEP that we submitted to Congress, nagkaroon ng 11% increase,” sabi ni deputy presidential spokesperson Abi Valte.

Nagsumite na rin ng panukalang amyenda sa budget ng edukasyon ang Kabataan party-list sa Kongreso, habang pinaplano pa nila ang mga susunod na rally.

Patuloy pa rin ang programa dito sa Mendiola, pero inaasahang matatapos na rin ito maya-maya pa.

09/23/2011 10:03 PMBookmark and Share