DOJ chief naalarma sa karahasan sa demolisyon sa QC


Napanood ni Justice Secretary at Incident Investigation and Review Commmittee (IIRC) Chair Leila De Lima sa telebisyon ang karahasang naganap sa demolisyon sa Barangay Bagong Pag-asa sa Quezon City. Kapansin-pansin daw na kakaunti lang ang pulis na naroon at hindi naging organisado ang kanilang pagtugon.

“Where were they? Who’s in charge na naman? Another potential source of embarrassment. There had been killings or deaths in that demolition,” pag-uusisa ni De Lima.
 
Nababahala si  De Lima. Bilang pinuno ng IIRC, may mandato siyang repasuhin ang kakayahan ng Philippine National Police (PNP) sa pagtugon sa mga krisis.

“Na-alarm ako because the whole stretch of EDSA nandoon na ang mga informal settlers, ang mga nambabato! So that was a breakdown of law and order. For how many hours,” dagdag pa ni De Lima.

Bagama't isang demolition operation ang naganap at hindi isang police matter, dapat daw pumasok na at tumugon ang PNP noong nagkagulo.

“Breakdwn of law and order. Ang general rule, ang pulis as much as possible ay hands off pag operations na ganyan. But when people become unruly, police should always come in. So what’s happening to our PNP,” mariing tanong ni De Lima.

Sagot naman ng PNP, sapat ang kanilang ginawang pagresponde sa sitwasyon at nagawa rin nila ang maximum tolerance.

“Walang nasaktan ng major injuries sa kanila, and that I can say successful ang ating ginawa” sagot na pahayag naman ni Chief Superintendent Benjardi Mantele, QCPD Director.

Para naman kay De Lima, dahil sa magkasunod na kuwestiyonableng tugon ng PNP sa Manila hostage crisis at demolition kahapon, maaaring may nagaganap na pananabotahe sa kasalukuyang administrasyon. Kung mula kanino, hindi na niya idinetalye.

“That's premature to say. But what do you think,” pagtatapat ni De Lima.
   
Sambit ng kalihim ng DOJ, hindi raw lahat ay kaya niyang sagutin o tugunan. Sinabi na lang niya na pag-iigihin ng IIRC ang gagawing pag-aaral sa mga panuntunan ng PNP sa iba ibang uri ng krisis para matulungan ang ahensya na gawin ang obligasyon nito sa sambayanan. – Ina Reformina, Patrol ng Pilipino