PhilHealth, pinanindigan ang pagpako ng halagang sasagutin sa ospital


Dalawang araw nang naka-confine sa Medical Center Parañaque si Wilfredo Zafe matapos ma-stroke, pero umabot na ng halos P10,000 ang kanyang bill.

Sabi ng mga doktor, aabutin  pa siya ng isang linggo sa ospital. Ang problema niya, sa bagong patakaran ng PhilHealth hanggang P28,000 lang ang sagot nila sa mga miyembrong na-stroke kaya problemado tuloy ang kanyang misis kung saan kukunin ang pambayad sa bill.

Ani Hayde Zafe, “Sana ipagpatuloy nila ang pagtulong sa mga pasyenteng ganito na naghihirap.”

Sa ilalim ng “case rate” system, nakapako ang halagang sasagutin ng PhilHealth kapag naospital ang isang miyembro dahil sa 1 sa 23 uri ng sakit at operasyon, P38,000 ang maximum na halagang sasagutin ng PhilHealth.

Sa ilalim naman ng patakarang “no balance billing,” sasagutin ng PhilHealth ang kabuuan ng gastusin para sa 25 milyong pinakamahihirap na Pilipinong magpupunta sa pampublikong ospital.

Pero dahil iilan lang ang pampublikong ospital sa bansa, kung mapuwersa ang pasyenteng tumungo sa pribadong ospital, kailangan nilang bayaran ang balanse.

Kanina, kinumbinse ng Private Hospitals Association of the Philippines o PHAP ang PhilHealth na isama sa bagong patakaran ang pinakamahihirap na pasyente, pero nagmatigas sina Health Secretary Enrique Ona at PhilHealth President Rey Aquino. Anila, hindi raw nila babawiin ang patakaran.

Giit ni Aquino, “I’m sure, overall, ito ay makakabuti sa ating mga benipisyo sa mga tao.”

“In-implement nila ‘yung ano wala man lang consultation. And less education sa mga pasyente,” sabi naman ni Rustico Jimenez ng PHAP.

Para kina Ona at Aquino, ang solusyon ay simple lang: dapat magtungo sa pampublikong ospital ang pinakamahihirap na pasyente para walang bayaran.

Ayon naman kay Jimenez, mas maraming pribadong ospital kaysa government hospitals.

Hindi rin naman lahat ng miyembro ng PhilHealth ay kabilang sa tinatawag na pinakamahihirap na Pilipino, kaya marami ang apektado. RG Cruz, Patrol ng Pilipino