2 kahanga-hangang guro hinirang bilang most outstanding teacher ng bansa


Hindi ordinaryong estudyante ang tinuturuan ni Ma’am Evelyn Caja dito sa Ramon Magsaysay High School. Mahigit 30 taon na siyang nagtuturo sa mga estudyanteng bulag. Sa sobrang pagmamahal sa trabaho, pati pag-aasawa nakaligtaan na niya.

“Anumang ginagawa kong kabutihan sa aking kapwa ay parang ginagawa ko na rin para sa Kanya (Panginoon) iyon,”ayon kay teacher Evelyn.

Mahirap ang trabaho ni Ma’am Evelyn. Lahat ng nasa libro, kailangan niyang gawing Braille para mabasa at maintindihan ito ng kanyang mga estudyante.
   
“Kapag mahal mo ang trabaho mo, lahat ng posibilidad makikita mo, walang imposible,” dagdag pa ni teacher Evelyn.

 “Para sa akin, siya po ang nagsilbing inspirasyon tulad ng ibang blind na naka-graduate na dito,” ayon kay Angelica na mag-aaral ni Evelyn.

Tulad ni Ma’am Evelyn, pinarangalan din bilang most outstanding teacher ng bansa si Ma’am Jojie.

Bukod sa mga librong naisulat, higit na kinilala si Ma’am Jojie dahil sa pambihira niyang dedikasyon sa pagtuturo. Sa katunayan, marami na siyang alok na magturo na lang sa ibang bansa ngunit tinanggihan niya ang mga ito dahil ayon sa kanya, ibang kaligayahan ang nararamdaman niya tuwing tinuturuan ang mga batang Pilipino.

“Saan ba ako magiging masaya, masaya ba ako sa malaking kita o maliit nga ang kita ngunit alam kong kailangan ako,” ayon kay Teacher Jojie.

Para kina Ma’am Jojie at Evelyn, wala na raw mas hihigit pang gantimpala kapag natuto at pinasasalamatan ka ng mga estudyante.

Bukas bilang World Teacher’s Day ay inaanyayahan ng DepEd ang lahat na pasalamatan ang paborito niyong teacher, sa personal man, sa text o sa FB at sabihin sa kanila kung bakit sila espesyal sa inyo. Niña Corpuz, Patrol ng Pilipino.