EXCL: Angat Dam namemeligro


Namemeligro ang maraming buhay sa Bulacan kapag hindi natiyak ang tibay ng Angat Dam.

Ayon sa Phivolcs, delikado sa malakas na lindol ang dam dahil 200 meters lang ang layo ng main dike mula sa west valley fault line.

Umaabot sa 7.2 magnitude ang mga pagyanig ng fault line.

Sa pagtaya ng Phivolcs, hinog na ang faultline sa anumang paggalaw.

“Kapag gumalaw siya ng 7.2, ang lakas ng shaking na puwede niyang maramdaman is intensity 8, which is very destructive,” sabi ni Jeffrey Perez, science research specialist sa Phivolcs.

Taong 1968 nang itinayo ang Angat Dam.

Pero sabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), sa loob ng 43 taon ay walang anumang structural improvements na ginawa rito ang mga nakaraang administrasyon ng MWSS.

Sa pagsusuri ng international dam experts, bagsak ang Angat sa international standards.

“In the report... it says there, 'a disaster waiting to happen. Conditionally poor not only in so far as the structural integrity of the dam but also in instrumentation,'” sabi ni Gerry Esquivel, administrator ng MWSS.

Kulang din ng mga gamit tulad ng piezometer na sumusukat ng paggalaw ng lupang kinatatayuan ng dam, at mga accelerometer na sumusukat naman ng dami ng tubig na pumapasok sa dam.

“Under static conditions, the dam is safe. Ang pinaghahandaan natin is that under extreme pressure or other environmental situations, we are trying to be ready for that,” ani Esquivel.

Dagdag pa ng MWSS, sa pagpapalakas ng istraktura ng dam ay tataas din ang antas ng tubig na kayang ipunin nito kaya maiiwasan ang pagre-release ng tubig kapag may bagyo. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino