Pilay na tumutulong sa Camarines Norte nominado sa Bayaning Pilipino
Estudyante pa lang si Rex Bernardo, hinangaan na siya bilang student leader sa Trinity University lalo na sa pagtutok niya sa kapakanan ng mga gaya niyang may kapansanan.
Isinulong niya ang pagkakaroon ng mga railings at rampa sa eskuwelahan para sa mga naka-wheelchair.
Simula noon kaliwa't kanan na ang parangal at kumilala kay Rex tulad ng Ten Outstanding Young Men Award at Mabini Presidential Award.
“Nag-aral ako hindi lang para sa aking sarili, kung hindi para ibahagi ang kaalaman ko sa iba, sa aking komunidad at sa aking probinsya,” ayon kay Rex.
Bumalik sa Daet Camarines Norte si Rex at doon ipinagpatuloy ang pagtulong sa mga kababayan niyang may kapansanan.
Isinulong niya ang pagtatag ng Office of Persons With Disability (PWD) sa Daet na ang pangunahing layunin ay iangat ang buhay ng mga may kapansanan sa pamamagitan ng mga livelihood projects.
Sa ngayon, abala naman si Rex sa patuloy na pagbibigay inspirasyon sa iba pang mga may kapansanan sa pamamagitan ng mga seminar na ginagawa niya sa iba't ibang barangay ng Daet kung saan ipinamumulat niya sa kanilang ang lahat, may kapansanan o wala, ay puwedeng magkaroon ng pantay na pagkakataon sa lipunan.
Bukas na ang botohan ng Bayaning Pilipino sa publiko sa pamamagitan ng bayaningpilipino.abs-cbn news.com. Pwede ring bumoto via text. I-text lang ang boto space bp (space) at apelyido ng finalist at i-send sa 2331 para sa Globe, Touch Mobile at Sun at 231 naman para sa Smart at Talk and Text subscribers. TJ Manotoc, Patrol ng Pilipino.







