P38-B inilaan ni PNoy sa pagpapabahay


Ito na raw ang hinihintay ng maraming informal settlers o squatters sa siyudad -- na sila'y mabigyan ng disenteng tirahan nang hindi tinatapon sa mga malalayong lugar na walang kuryente o tubig.

Ayon kay National Anti-Poverty Commission Chair Joel Rocamora, aprubado na ni Pangulong Noynoy Aquino ang mahigit sa P38 bilyon budget sa susunod na 5 taon para sa para sa anti-poverty program ng gobyerno.

“Hindi sila itatapon sa malalayong lugar. Magko-construct malamang mga medium rise buildings para malapit ang mga informal settlers sa mga services,” ani Rocamora.

Uunahin ang mga danger zones o ang mga nasa coastal areas at malapit sa estero. Prayoridad din ang malalaking squatters area.

“Kasi takot kami mamaya mag-Ondoy eh kung libu-libong mamatay, malilintikan ang gobyerno,” ani Rocamora.

“Hindi ho kami makapaniwala eh kasi hindi ko pa nakikita eh,” sabi ng isang informal settler.

“Okay lang basta may mapaglagyan. Huwag lang itapon diyan sa tabi-tabi ba,” sabi pa ng isang informal settler.

Ipinagtanggol naman ng pangulo ang kanyang conditional cash transfer fund o ang pamamahagi ng P500 kada linggo sa mga pinakamahihirap na sektor ng lipunan.

“Kapag may nakita ka bang taong nalulunod ang una mong gagawin ay sabihan... na halika tutulungan kitang lumangoy? Hindi ba na sa ganitong pagkakataon abutan mo muna siya ng salbabida?” tanong ng Pangulo.

Nababatikos kasi ang programa na doleouts o pamumodmod lamang ng pera. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino