Hagupit ni ‘Juan’ sa Maconacon kuha sa cell phone video
Walang sapat na salita para ilarawan ang pinsalang inabot ng bayan ng Maconacon sa Isabela noong bagyong Juan. Ang mga residente, agad humingi ng tulong. Pinakita nila sa amin ang video na nakunan nila noong manalasa ang bagyong Juan.
Iilan lang ang naglakas loob kumuha ng video dahil sa takot na matangay ng hangin na hindi kinaya maging ng mga malalaking puno.
Ngayon, ito ang hitsura ng Maconacon.
Ang bata na dapat ay nag-aaral, nagkalat lang sa kalsada. Paano nga naman sila papasok, kung pati silid-aralan nila, nawalis.
Ito 'yung mga puno na nakita natin mula sa himpapawid na nabuwal sa lakas ng bagyo. Dito masusukat kung gaano kalakas ang hangin na bumayo dito sa lugar
Sa pag-ikot namin sa bayan, sinamahan kami ni PO1 Reynald Castro. Kuwento niya, 9 silang pulis na nagbantay sa lugar noong kasagsagan ng bagyo. Pero pati sila, nasindak.
PO1 Reynald Castro, residente ng Maconacon: "Natakot na rin kami kung ano yung mangyayari, parang katapusan na ng mundo."
Wala halos nakatayong bahay matapos manalasa ang bagyo. Pati ang gymnasium sa Maconacon, na sinasabing isa sa mga pinakamatibay na imprastruktura sa lugar, giba na!
"Nagulat kami, bigla na lang bumagsak 'yan. 'Yung gym namin, wala na," ani Castro.
Mismong ang munisipyo ng Maconacon, hindi rin nakaligtas. Wasak ang harapan, at pagdating sa loob mas malala pa ang histura.
Lilibeth Saguisi, clerk ng munisipyo: "Wala, back to zero kami lahat. 'Yung mga record namin, sira-sira... Ito na siguro talaga 'yung pinakamalakas na bagyong naranasan namin."
Sabi ni Mayor Erlinda Domingo, naghihikahos ang kanyang bayan ngayon. At nagsisimula mang dumating ang tulong mula labas, hindi niya alam kung ito'y sapat sa tindi ng delubyong inabot nila.
"Kailangan talaga namin ng tulong dito, Diyos ko," ani Mayor Erlinda Domingo ng Maconacon
Sa pag-alis ng aming news team sa Maconacon, nagbigay ang ilang mga residente sa amin ng pabaon - mga pakiusap, na kung puwede ay matawagan ko ang mga numero ng kanilang kamag-anak para ipaalam sa kanila, na buhay sila at nangangailangan ng tulong. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino, Isabela
10/22/2010 10:15 PM







