Halalan sa libu-libong barangay, naantala


Dismayado ang ilang botante dito sa Masbate City. Naghintay sila ng ilang oras, pero sarado pa rin ang mga classrooms. Lalo silang nainis nang sabihing bukas na ang botohan dahil sa mga hindi naihatid na balota.

Sa Legazpi City, maaga pa lang nakaabang na ang mga Board of Election Tellers sa City Treasurer's Office, pero late ding dumating ang election materials. Tuloy, postponed din ang botohan sa 9 na munisipyo.

Naghintay din sa wala ang ilang bayan ng Camarines Sur. Pitong bayan din ang hindi muna nakaboto.

Sa Sorsogon, na-delay din ang mga election paraphernalia. Kaya ipinagpabukas din ang halalan sa ilang bayan.

Sa Bacoor, Cavite, inabot ng mahigit 5 oras ang paghihintay ng libu-libong botante para makaboto! Sa galit, may ilang umuwi na lang!

Paliwanag ng mga guro, pasado alas-onse na ng umaga nakarating ang mga election paraphernalia kaya halos pananghalian na nagsimula ang botohan.

Sa mga pagkakataong gaya nito, ayon sa Comelec, dapat agad umpisahan ang botohan at palawigin hanggang 5:00 ng hapon.

Kung pasado 12:00 naman darating ang mga election materials, dapat ipagpabukas ang botohan.

Samantala, tuloy ang pagtanggap ng tawag ng DepEd [Department of Education] tungkol sa election-related concerns ng mga guro. Wala pa raw ibang iniuulat na nasawi dahil sa halalan, bukod kay Juanita Fagaragan ng Badoc, Ilocos Norte na kukuha lang ng election material kaninang umaga nang mabundol ng delivery truck.

Karamihan naman sa mga reklamo dito sa DepEd ay ang delay sa pagdating ng mga election materials, kaya maraming mga guro, di nakatulog sa kahihintay sa mga ito.

Pero bilang konsiderasyon daw sa kanilang hirap, idineklara ng DepEd na walang pasok sa lahat ng mga public elementary at high schools sa bansa bukas.

Sa mga lugar naman kung saan bukas idaraos ang eleksyon, suspendido ang klase bukas at sa Miyerkules.

Pag-iisipan din ang paghingi ng karagdagang suweldo sa mga gurong nag-extend ng oras dahil sa postponement ng halalan. Niña Corpuz, Patrol ng Pilipino