Slogan ng DOT na "Pilipinas kay Ganda", umani ng batikos


Hindi na raw epektibo ang slogan ng Department of Tourism na "Wow Philippines" kaya gusto itong palitan ng mga taga-DOT ng "Pilipinas Kay Ganda".

Pero, inulan na agad ito ng batikos. Wala raw itong dating, parang pangalan ng TV show, at hindi raw angkop na nasa wikang Filipino ang slogan gayong ang target ay mga turista na karamihan ay hindi nakakaintindi nito.

Depensa ng DOT, mas magkakainteres ang mga turista at gugustuhing malaman kung ano ang ibig sabihin nito.

“It’s a risky strategy, but we have to take risks if we want to get ahead,” sabi ni Sec. Bertie Lim ng Department of Tourism.

Nilinaw pa ni Lim na hindi pa naman pinal ang bagong slogan. May mga konsultasyon pang gagawin at bukas din sila na palitan ito.

“We will welcome a better idea. Pero kailangan, iyong idea ma-capture (the) essence what makes the Philippines a good tourism destination,” dagdag niya.

Tingin naman ng mga mambabatas, hindi bebenta ang bagong slogan.

“Let’s start some neurons in our brains working. The neurons are not working... ‘Pilipinas kay Ganda’ is just, I think, ignorant, and ignorance is boring,” sambit ni Sen. Miriam Defensor-Santiago.

 “If you ask me, I think somebody was drinking on the job. I don't think they thought this out very well,” dagdag naman ni Sen. Miguel Zubiri.

Mungkahi naman ng ilang kongresista, mas papatok ang kampanya sa turismo kung si Pound-for-Pound King at Saranggani Rep. Manny Pacquiao ang magiging endorser. Sheryll Mundo, Patrol ng Pilipino