Maguindanao massacre: Ang katayuan ng mga kaso


Bayan, mag-iisang taon na ang karumdal-dumal na Maguindanao massacre. Pero, usad-pagong pa ang kaso.

Isandaan at siyamnapu't pito (197) ang sinampahan ng 57 kaso ng multiple murder. Kabilang dito ang ilang miyembro ng pamilya Ampatuan na sinasabing utak ng masaker.

Pero sa mga Ampatuan, si Andal Ampatuan Jr pa lang ang nabasahan ng sakdal. May petisyon pa siya para makapagpiyansa.

Si Zaldy Ampatuan, may petisyon din sa Court of Appeals para alisin sa listahan ng mga akusado. Hindi pa rin isinasalang sa arraignment si dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr.

Hindi lang iyan - 115 pang kinasuhan sa masaker ang hindi pa nadarakip.

Noong Setyembre 8 lamang nasimulan ang paglilitis, pero para lang ito sa isang kaso. At dahil minsan lang sa isang linggo ang paglilitis, matatagalan pa bago maisalang lahat ng 227 testigo ng prosekusyon, at higit 10 testigo ng depensa.

Ang nakabinbin pang 56 pang kaso, sa Lunes pa lang ang pre-trial. At habang mabagal ang pag-usad ng kaso, tuloy ang pananakot o pagpatay sa ilang testigo.

Noong Hunyo, napatay si Suwaib Upham, na umaming kasali sa masaker at nagdiin sa mga Ampatuan. May dalawa ring kamag-anak ng mga testigo ang napatay noong Enero. May banta naman o sinusuhulan ang pamilya ng ilang biktima.

Kaya ang tanong, hihintayin na lang bang mabaon sa limot ang kasong ito?