Mangudadatu men sugatan sa aksidente sa paggunita ng Maguindanao Massacre


Nakisama ang panahon kanina at binigyan ng pagkakataon ang mga pamilya ng biktima at mamamayan ng Maguindanao na makaakyat sa burol ng Sitio Masalay para gunitain ang karumal-dumal na nangyari noong November 23, 2009.

Wala namang naging aberya pagdating sa seguridad. ‘Yun nga lang, may hindi naiwasang pangyayari na nagresulta sa pagkasugat ng dalawa sa mga bodyguard ng pamilya Mangudadatu.

Humaharurot sa highway ang mahabang convoy ng Mangudadatu papunta sa bayan ng Ampatuan. Kasama ang militar at pulis sa convoy, pero pagdating sa Barangay Kauran ng Ampatuan, tumigil ang convoy habang sa gilid ng kalsada nagkumpulan ang maraming tao.

May aksidente palang nangyari. Isinugod ang mga biktima sa malapit na ospital sa Esperanza, Sultan Kudarat.

Ayon kay Governor Esmael Mangudadatu, nagkabiglaan nang magpreno ang mga sasakyang nasa unahan ng motorsiklong minamaneho ng 2. Kinilala ang mga biktima na sina Hadji Kri Sapal at Sergeant Masaloc ng Army 46th Infantry Battalion na ngayo'y patuloy na ginagamot sa ospital.

“Ok na naman sila, kaya lang 'yung isa, ipapalipat na lang namin sa Davao,” ani Mangudadatu.

Sa kabila naman ng pangyayari, natuloy pa rin ang paggunita sa massacre site. Muslim at Kristyano, kapwa nag-alay ng dasal para sa mga biktima.

Isang taon na ang nakalipas pero ‘di maiwasan ng mga naulila na maging emosyonal sa pagbabalik sa lugar na ito kung saan nagbuwis ng buhay ang kanilang mga mahal sa buhay.

Nagpawala ng mga lobo at kalapati, simbolo ng mga kaluluwang nalagas sa walang saysay na pagpatay.

Humarap kanina sa mga pamilya sina Peace Process Adviser Ging Delez at Justice Secretary Leila De Lima. Binasa ng Kalihim ang mensahe ng Pangulong Noynoy Aquino para sa mga naulila.

 “Today, we again offer our condolences to the families of the victims and vow to do everything in our power to achieve a timely resolution of this case and ensure that this does not happen again,” ani De Lima.
 
Binigyan din ng pagkakataon ang mga kamag-anak ng biktima na makapagsalita ng kanilang saloobin tungkol sa nangyari at ang mabagal na gulong ng hustisya.

Sa huli, tinapos ang seremonya sa pagtatanim ni Governor Mangudadatu ng isang puno sa lugar na kinatagpuan ng mga bangkay na magiging simbolo ng pag-asa.
 
Sabi nga kanina ni Justice Secretary Leila De Lima, hindi lamang mga Ampatuan ang nililitis sa kaso ng massacre kundi ang buong lipunang Pilipino dahil nakasalalay dito kung paano tratuhin ng ating bansa ang ganitong uri ng karahasan.

Panawagan lamang kanina ng mga kamag-anak, "‘Wag sanang abutin ng maraming anibersaryo bago mabigyan ng hustisya ang mga biktima." Jorge Cariño, Patrol ng Pilipino

11/24/2010 12:06 AMBookmark and Share