Mga naulila sa massacre, uhaw pa rin sa katarungan


Hirap pa rin ang mga kaanak ng 57 pinatay at isang nawawala sa Maguindanao na tanggapin ang malagim na sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay noong November 23, 2009.

Ito'y kahit dalawang taon na ang lumipas mula nang mangyari ang karumal-dumal na krimen.

Masakit para kay Editha Tiamzon na sariwain ang pinagdaanang hirap ng mister na si Daniel, ang driver ng UNTV, nang patayin ito sa Maguindanao.

“Nilibing siya, pinatungan pa siya ng kanyang van na dala-dala. Piping-pipi, talagang naghirap siya. Sinabi ngang hinulog siya roon, hindi pa siya patay,” sabi ni Tiamzon.

Si Catherine naman hindi na ipinagdiriwang ang Pasko mula nang patayin ang anak na si Victor, senior reporter ng UNTV.

“Hindi po namin kaya harapin, ma’am, unless kung makukuha na namin ang tunay na hustisya,” sabi ni Catherine.

Kanina sa hearing ng Maguindanao massacre sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, humingi ng 58 segundo ng katahimikan ang prosekusyon bilang pag-alala sa 58 biktima.

Sabi pa ng kanilang mga kaanak, bagama’t natutuwa sila sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Gloria Arroyo, kulang pa raw ang kanyang pagkabilanggo para pagbayaran ang mga buhay na kinitil ng kanya diumanong pakikisabwatan sa mga Ampatuan, ang itinuturong mastermind ng massacre.

“Gigil na gigil talaga kami. Minsan halos maiyak ako sa harap ng TV sa galit namin,” sabi ni Catherine.

Bilang paggunita sa ikalawang anibersaryo ng masaker, naghain ng resolusyon sa Senado at Kamara na ideklara ang araw na ito bilang “National Consciousness Day to End Impunity.”

Nagkakaroon ng impunity kapag hindi napapanagot ang mga nagkasala dahil sa paggamit nila ng kapangyarihan o impluwensiya.

Sabi ng Kongreso, importanteng ipagpatuloy ang laban para makamtan ang katarungan at papanagutin ang sinumang nagkasala maging ano pa man ang kanilang posisyon sa gobyerno.

Hihilingin ng prosekusyon sa korte na magkaroon na ng promulgasyon para sa mga suspek na kumpleto na ang naipasok na mga ebidensiya.

Kapag hindi raw kasi ginawa ito'y aabutin ng ilang libong taon bago maresolba ang mga kasong kinasasangkutan ng halos 200 akusado. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino