Arroyo, humihingi ng cell phone, laptop


Kung oobserbahan natin ‘yung mga naging hakbang ngayon ng mga abogado ng magkabilang panig ay kailangan pa nating hintayin ‘yung Lunes para malaman kung maililipat na siya nang Martes o mae-extend pa ng ilang araw sa St. Luke’s.

Pero ngayong maghapon, dalawang beses nang nag-ocular ang kampo ni Congresswoman Arroyo dito sa Veterans bilang paghahanda sa kanyang paglipat.

Hinabol kagabi sa Pasay RTC ang mosyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo na huwag munang ipatupad ang court order na ilipat siya sa Veterans hangga’t walang go signal ang kanyang mga doktor sa St. Luke’s.

Sabi naman ng Comelec, bakit mga doktor ni Arroyo ang magbibigay ng go signal?

May utos na nga ang korte, at ospital din naman ang paglilipatan.

Sa Lunes magsasampa sila ng mosyon para kontrahin ang mosyon ni Arroyo.

"We cannot leave the transfer from St. Luke’s to Veterans sa private doctors ni GMA. Parang sila na ang nagdidikta, eh paano kung sabihin ng mga duktor na sa isang taon pa gagaling?” sabi ni Comelec Chairman Atty. Sixto Brillantes.

Kasabay ng Comelec, isang mosyon pa ulit ang isasampa ng kampo ni Arroyo tungkol sa pagbabawal ng korte na gumamit ng cell phone at laptop ang dating pangulo habang nasa Veterans.

Sabi ni Atty. Ferdinand Topacio, kailangan pa rin ng kongresista ang komunikasyon para gampanan ang tungkulin.

"’Yun ngang mga ordinaryong prisoners mayroon nang E-dalaw eh. Mayroon bang magsasabi sa atin na walang cell phones doon sa kulungan? I mean, come on. At ang pagkakapiit naman sa ating Pangulo, hindi ito parusa pa eh,” sabi ni Topacio.

“’Yun po ang umiiral na batas patungkol po sa pag-custody ng isang custody. Iyon ang ating papairalin, wala pong cell phone, walang laptop, walang communication gadgets,” sabi ni Chief Supt. Agrimero Cruz.

Hindi naman daw sa ayaw ng mga Arroyo sa Veterans.

Dalawang beses ngayong maghapon binisita ng kampo ni Arroyo ang Veterans.

Ininspeksyon ni Congressman Dato Arroyo at Elena Bautista-Horn ang walang tigil na pagsasaayos sa presidential suite.

Hanggang labas pinapaganda ng husto, at inaayos pa ang poste ng ilaw sa private driveway nito.

Wala naman daw silang nakitang problema maliban sa kama.

"’Yung kama ay manual so kailangan lang ng kama na pinipindot para tumaas ‘yung likod, kasi kailangan komportable,” sabi ni Horn.

Simula ngayon, lilimitahan na ang mga taong naglalabas-pasok sa ospital dahil sa pinaigting na seguridad.

Papayagan naman ng Veterans hospital na mga doktor sa St. Luke’s ang titingin pa rin sa dating pangulo.

Ipinapaalala naman ng Comelec na kung wala naman nang sakit si Arroyo ay dapat sa bilangguan na ito at hindi na magtagal pa dito sa Veterans, lalo't pera rin pala ng bayan ang gagamitin sa pananatili niya dito.