Survey ibinunyag ang puwedeng mangunang 'senatoriable'
Bagamat isa't kalahating taon pa bago ang 2013 senatorial elections, unti-unti nang nabubuo sa isip ng mga botante kung sino ang iboboto.
Sa November 10 to 23 survey ng Pulse Asia, 47% o halos kalahati ng mga botante ang may kumpletong ticket na.
At kung ngayon gagawin ang halalan, 15 ang may tsansang manalo.
Una sa listahan si Senador Chiz Escudero.
Sumunod sina Senador Loren Legarda, Transportation and Communications Secretary Mar Roxas, Senador Alan Peter Cayetano, dating Vice President Noli de Castro, San Juan Congressman JV Ejercito, Senador Gringo Honasan, Cagayan Congressman Jack Enrile, Senador Koko Pimentel, Justice Secretary Leila de Lima, Senador Antonio Trillanes, dating Senador Juan Miguel Zubiri, Aurora Congressman Sonny Angara at mga dating senador na sina Jamby Madrigal at Richard Gordon.
Sa 15, si de Lima lang ang first time na tatakbo kung sakali.
Inamin ni de Lima, naiisipan niyang sumabak sa pulitika pero maaga pa raw para magdesisyon.
“Options can either be, stay with the Executive Department or stay out of government or run,” pahayag ni de Lima.
Una naman ang PDP-Laban ni Vice President Jejomar Binay na maglahad ng binubuong senatorial ticket.
Pero nagbabadya ang kontrobersya dahil kasama rito si Pimentel na kapapanalo lang sa protesta, at ang iprinotesta niyang si Zubiri.
“Categorically ay sasabihin ko sa inyo na si Migz Zubiri ay hindi welcome sa PDP-Laban kasi siya po ang taong nag-deprive ng rightful seat ng aming partido sa Senado for 4 long years,” sabi ni Pimentel.
Pero tulad ng laging sinasabi ng mga eksperto, malayo pa ang halalan at marami pang puwedeng mangyari sa larangan ng pulitika. Lynda Jumilla, Patrol ng Pilipino
12/07/2011 9:59 PM







