Aquino, iniutos ang pag-urong ng kaso vs Morong 43


Kasabay ng pandaigdigang araw para sa karapatang pantao, iniutos ni Pangulong Aquino sa Department of Justice na bawiin na ang mga kaso ng illegal possession of firearms at explosives laban sa Morong 43.

Ang 43 ay nagpakilalang health workers na inaresto ng militar noong Pebrero sa suspetsang may kaugnayan sila sa mga rebeldeng komunista.

"As a government that is committed to the rule of law and the rights of man, this cannot stand. Therefore, I have ordered the DOJ to withdraw the informations filed before the court," ani Aquino.
 
Kailangan pa ring dinggin ito ng korte bago sila mapalaya, pero umaasa si Justice Secretary Leila de Lima na pagbibigyan ng korte ang kanilang mosyon.

"Of course, we would want to target it before Christmas day, that the Morong 43 would be freed hopefully," ani de Lima.
 
Posibleng rin namang hindi lahat sa Morong 43 ay makakalaya. Ayon daw kasi sa Armed Forces of the Philippines, may 6 pa sa kanila ang may nakabinbing warrant of arrest para sa iba pang kaso na walang kinalaman sa raid sa Morong, Rizal. Beberipikahin muna ito ng DOJ.

"Because under existing rules, we cannot free them if there are outstanding warrants of arrest in other cases," paliwanag ni de Lima.
 
Naniniwala ang Pangulo na depektibo ang search warrant at ebidensiya kaya walang basehan para ipiit ang Morong 43 at makakatulong din ito sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebeldeng komunista. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino