Mga snatcher, kinuyog ng mga deboto


Nadala na sa Ermita Police Station ang mga suspek sa magkakaibang insidente ng snatching na nakunan namin kanina, pero bago pa mangyari iyon ay bugbog- sarado na ang mga umano’y snatcher sa galit ng mga debotong nakahuli sa kanila.

Sa halip na habulin ang Poong Nazareno, mga snatcher ang hinabol at pilit kinukuyog ng daan-daang debotong ito sa A. Villegas Street. Maya’t-maya ay hinahablot nang pilit galing sa mga nakapalibot na pulis.

Para hindi na lalong magulpi ng taumbayan, ipinasok ang umano'y snatcher sa compound ng Unibersidad ng Maynila. Doon na nagwala ang galit na mga deboto at pilit sinisira ang barikada, habang sabay na hinihingi ang suspek mula sa mga pulis.

“Ipako sa krus! Ipako sa krus!” sigaw ng mga galit na deboto.

Sinabi ni Atty. Solphia Arboladura, presidente ng Unibersidad ng Maynila, na sa oras na ligtas na ang sitwasyon para sa lahat ay nais niyang mailabas na ang mga suspek.

Maya-maya, isang putok ng baril ang narinig. Nagpaputok sa ere ang security officer ng unibersidad para takutin ang mga sumusugod.

“Kukuyugin po ako, ma’am, sa dami po nila. Nag-iisa lang po ako noon, wala akong kasamang pulis sa likod ko,” sabi ni Englebert Yalung, security officer ng Unibersidad ng Maynila.

Agad dinisarmahan ng Philippine National Police (PNP) ang opisyal at sinama sa imbestigasyon.

Sa Roxas Boulevard naman, muntik na ring sirain ng ilang daang deboto ang gate ng National Museum para lalo pang gulpihin ang tatlong snatcher na nauna na nilang pinagtulungan.

Kinailangang idaan sa likuran ng museum ng mga suspect pati pulis para makalayo sa galit na taumbayan at makarating ng Ermita Police Station kung saan umamin na lang ang dalawang duguang suspek na nagpakilalang sina Ryan Tejada at James Anex.

“Nabalik naman [ang ninakaw namin],” sabi ni Tejada.

Grabe yung nakita naming gigil na nanggagaling sa mga deboto na nakakahuli ng mga snatcher. Hirap na hirap ang mga pulis na paalisin ang mga deboto hanggang alam nilang nando'n pa 'yung suspek.

Iyong galit ng iba, gawa ng pag-insulto raw ng mga suspek sa Poong Nazareno. Ang iba naman, aminado na gusto lang daw nilang sumali sa aksyon.

01/09/2012 10:23 PMBookmark and Share

1 comment

Violence in the name of God

It's is very disturbing to watch that this individuals are willing to commit atrocious acts in the name of God. It makes me wonder, are they motivated to do horrible thing in the name of their God?