EXCL: 'Terror groups nagplanong magsanib sa pista ng Nazareno'


Ikatlong linggo pa lang ng nakaraang Disyembre, lumuwas na diumano ng Maynila mula Maguindanao si Montaser Ali Esmael, isang bomb expert at dating miyembro ng MILF Elite Force.

Ang misyon niya, magsagawa ng pambobomba sa Metro Manila.

Kasama diumano ni Esmael si Datu Karim Masdal alyas Ali Barra o Warrior na sinasabing nagmo-monitor o siyang magiging trigger-man ng gagamiting bomba.

Si Esmael ang siyang responsable sa 2003 Awang Airport bombing sa Cotabato City; nahuli pero napakawalan din.

Siya rin ang sinasabi diumanong suspek sa car bomb na pinasabog sa selebrasyon ng kaarawan ni Maguindanao Governor Toto Mangudadatu noong Agosto.

Isa pang pinagsususpetsahan ng awtoridad sina Sheikh Omar Samunsang na may alias na Omar Abella at Jamil Sali na isang Abu Sayyaf bomber.

Sinasabing magsasanib-puwersa ang Rajah Sulayman Islamic Movement o RSIM, Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah para magpasabog sa kapistahan ng Nazareno.

Pasimuno rin diumano sa planong pag-atake ayon sa mga intelligence report si Khalil Pareja na siyang bayaw ni Ahmad Santos, ang founder ng RSIM.

Pero ayon sa source, posibleng bahagi ng destabilisasyon ang terror plot dahil si Esmael ay may koneksyon diumano sa isang political warlord.

Sa isang press conference kanina, inamin ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na gumawa sila ng paraan upang masawata ang anumang nakaambang banta ng mga terorista.

“All threats are taken very seriously. We’ve done all the things we’re supposed to do to make sure that we prevent this from happening,” sabi ni Gazmin.

Nawalan ng signal ang lahat ng cellular phones dito sa Maynila partikular sa mga rutang dinaanan ng prusisyon ng Poong Nazareno kaya naging pahirapan ang komunikasyon sa buong maghapon.

Pinakiusapan ng gobyerno ang mga telephone companies na alisan ng signal ang ilang bahagi ng Maynila.

Maaari kasing gamitin ang cell phone bilang triggering device sa mga improvised explosive device na ginagamit ng mga terorista.

Bukod sa naka-red alert, libu-libong PNP personnel ang ipinakalat na magbantay sa kapistahan.

“Medyo malapad-lapad ang tatawirin. Maraming madidisgrasya kapag nagkatulakan kaya binabantayan natin iyan,” sabi ni Chief Inspector Carol Macawile ng Manila Police District Station 3.

Ipinagbawal din ang paggamit ng mga paputok at kwitis para hindi mabulabog o mag-panic ang mga deboto. Maan Macapagal, Patrol ng Pilipino

01/09/2012 10:44 PMBookmark and Share