Mga deboto ng Nazareno hindi napigil ng banta ng terorismo
Para sa mga deboto na nagpunta rito, hindi mapipigil ng anumang banta ang kanilang panata.
Kaya't gaya ng mga nakaraang taon, muling ipinamalas ng mga deboto ng Nazareno ang nakamamangha nilang bilang at ang matinding sakripisyo nila alang-alang sa pananampalataya.
Naging hudyat ang pagwagayway ng mga panyo kaninang umaga na simula na naman ng taunang prusisyon ng Itim na Nazareno.
Sa dami ng tao, walang mag-aakala na nagbabala ang Pangulo kahapon sa posibilidad ng pag-atake ng mga terorista.
Pero hindi lang iyon ang babala na nakuha ng mga deboto.
Ang bagong upong si Manila Archbishop Luis Antonio Tagle, pinagsabihan ang mga deboto na gawing ligtas ang prusisyon.
“Baka dahil sa ating kagustuhan na mapalapit kay Poong Nazareno, pagkakabaha-bahagi. 'Wala akong pakialam sa iyo matapakan ka man, dumugo man ang nguso mo, wala akong pakialam.' Hindi iyan Espiritu Santo,” sabi ni Tagle.
Pero bago pa makalabas ng Quirino Grandstand, nagkatulukan na agad ang mga deboto at naipit ang marami sa mga bakal na bakod ng Grandstand.
Minuto pa lang ang itinagal ng prusisyon, ilan na agad ang kinailangang isugod sa ospital.
Oras ang binilang bago makausad palabas ng Grandstand ang karosa sa dami ng gustong sumampa at makahawak sa poon.
Pero kung mabagal na ang naging paglabas, halos tumirik na ang prusisyon pagdating sa may Padre Burgos at Roxas Boulevard kung saan nasira ang gulong sa likod ng karosa.
Napatid din ang lubid na nakakabit dito.
Alas-12 ng tanghali ay wala pa sa kalahati ang prusisyon.
Ang ibang deboto, pinilit pa ring sumampa sa karosa kahit ilang oras nang nag-abang sa ilalim ng mainit na sikat ng araw gaya ni Marlon na hiling ay pagalingin sa sakit ang bayaw.
Ito ang kanyang unang taon ng panata.
“Napakahirap po pero napakasarap. Halos ayaw ko nga bitawan kung puwede lang,” sabi ni Marlon.
Nakipagsabayan kay Marlon ang iba't ibang mukha ng mga deboto.
May babae, may lalake, may bata, may matanda, may beterano, may bagito.
Sa dami ng tao, pati ang lente ng aming kamera tila hirap makahinga.
Tiniyak kanina ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na mahigpit ang kanilang itinalagang seguridad sa pista.
Maging ang mga cell phone, ipina-block ang signal sa buong ruta.
“Alam ko ho may inconveniene na dadalahin iyon subalit sabi nga ho, 'it’s better to be safe than sorry,'” sabi ni Robredo.
Para sa mga hindi naniniwala sa Nazareno, walang paliwanag ang kukumbinsi sa kanila sa ginagawa ng mga deboto sa gitna ng banta at peligro.
Pero para sa mga naniniwala, aanhin pa ang paliwanag lalo't ang mahalaga sa kanila ay ang kanilang panata't pananampalataya.
Sa pinakahuling impormasyon na natanggap natin ay kakalagpas pa lamang ng karosa sa Manila City Hall.
01/09/2012 10:18 PM







