Prusisyon ng Nazareno umabot ng 22 oras
Alas-6:11 ng umaga nang makabalik sa simbahan ng Quiapo ang poon ng Itim na Nazareno.
Ito na raw ang pinakamatagal na prusisyon sa kasaysayan ng pista na umabot ng mahigit 22 oras.
Pero, bakit nga ba inabot na ng pagtirik ng araw ang pagpasok ng poon sa simbahan, gayong karaniwan daw ay naipapasok na ito bago mag-9 p.m.?
Para kay Arturo na isa sa mga Hijos del Nazareno Central--ang grupong nagbabantay sa karosa sa pag-ikot nito sa prusisyon--ito raw ay dahil naging pasaway ang mga deboto.
Aniya, “’Yon ang isang nagpapahirap eh, ‘yung mga bagito hindi nila alam kung ano ‘yung dapat gawin. Hindi rin sila nakikiisa doon sa mga namamahala doon sa taas.”
Nakatagal din daw ang pag-aagawan sa ruta.
Nakiusap kasi kagabi ang mga pari na idiretso na sa Quiapo at huwag nang idaan sa tradisyunal na ruta dahil natanggal na ang gulong ng karosa. Pero ayaw pumayag ng mga taga-Quiapo at gusto nilang idaan ito sa harap ng kanilang mga bahay.
Para naman sa lokal na pamahalaan, ang pagkasira ng gulong ng karosa ang naging dahilan ng pagtagal ng prusisyon.
Paliwanag ni Ric de Guzman, “Siguro pagtitibayin na natin ‘yung karosa para dire-diretso na ang daloy ng prusisyon natin.”
Karosa rin ang tinuturong mali ng deboto na si Jimmy Yu na dati ring naging consultant sa prusisyon.
Nagkulang din daw ang mga organizer sa paghahanda.
Aniya, “Para bang nahirapan ng todo si Nazareno kahapon. Nadagdagan ‘yung hirap niya. Nahirapan na nga siya sa kalbaryo para sa ating mga kasalanan, itong ipagbubunyi natin siya, hirap pa rin siya.”
Tinatayang umabot sa 8.5 million na deboto ang sumali sa prusisyon. Ito na umano ang pinakamalaking bilang sa kasaysayan.
Dahil sa haba ng prusisyon ngayong taon, marami tuloy ang nagtatanong kung mauuwi ba ito sa pagbabago ng tradisyon sa susunod na taon. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino
01/10/2012 10:10 PM







