Sanggol nabuhay matapos sumailalim sa maselang heart surgery
Ipinanganak si baby Amber San Juan na may hypoplastic left heart syndrome. Masyadong maliit ang kaliwang bahagi ng puso para tumanggap o maglabas ng dugo.
Sa Pilipinas, namamatay na ang tulad niya 2 araw matapos ipanganak.
“‘Yong sakit niya na-detect 5 months pregnant pa lang ako. Sabi ng mga doctors walang magagawa raw,” ani Michelle Dionisio, ina ni baby Amber.
Kaya't 4 days old pa lang si baby Amber, sumugal sila't ipinaopera ito sa St. Luke's.
Gumamit ang mga doktor ng makabagong hybrid procedure kung saan nilagyan nila ng tubo ang ugat sa puso para hindi magsara.
Delikado ito dahil napakaliit pa ng ugat at puso ng kapapanganak na sanggol.
“Bago ang procedure na ito, hindi na kailangan i-freeze ang baby para magawa ito,” ani Dr. Karl Reyes, congenital surgeon sa St. Luke's.
Sa Amerika, 75% ng inooperahang sanggol na may hypoplastic heart syndrome ang nabubuhay.
Sa Pilipinas, si baby Amber palang ang naoperahan at nabuhay.
“It shows that us Filipino doctors and our hospitals are more than capable to perform complex heart operation,” dagdag pa ni Dr. Reyes.
Eleven days old pa lang si baby Amber pero 2 matinding procedure pa ang haharapin niya.
“Kapag nakikita ko siya parang ang lakas lakas niya parang wala siyang sakit. Mabubuhay siguro talaga ito,” ani ng ina ni baby Amber.
Miracle baby nga at nalampasan na niya ang pinakamatindi niyang dagok. Karen Davila, Patrol ng Pilipino
01/26/2011 12:24 AM







