Mga namatayan sa sunog, naghihinagpis, nagsisisi
Nakakapanindig-balahibo ang mga eksena sa bisperas ng piyesta sa San Roque, Navotas.
Tinupok ng napakalaking apoy ang higit-kumulang 200 bahay bago mag-hatinggabi.
Pati mga nakasabit na banderitas, nagpaningas sa ibang bahay.
Sa napakakitid na kalsada, siksikan ang mga bumbero, at mga residenteng pilit na nagsasalba ng mga gamit.
Sa isang sulok, pinipigilan naman si Ronald Blancaflor, na hinahanap noon ang kanyang anak.
Isang araw matapos ang sunog, naabutan ng ABS-CBN News siyang nagluluksa sa punerarya dahil ang kanyang ama at anak, parehong nasunog.
"Hindi ko kayang tanggapin na wala na ang anak ko," ani Mang Ronald.
Si Jake Gagarin naman, may sariling lakad kaya ganoon na lang ang pagsisisi dahil iniwan ang kanyang pamilya sa bahay.
Hindi niya inaakalang ang kanyang 2 anak, asawa at ama ay magkakasamang matutupok sa sunog.
"Inisip ko sarili ko, inisip ko luho ko, iniwanan ko sila... Gusto ko sama-sama kami," iyak ni Mang Jake.
Si Maria Salonga, tuliro dahil ang lahat ng kanyang tatlong anak ay pumanaw rin sa sunog.
"Kawawa ang mga itsura ng mga anak ko. Para silang liston," ani Aling Maria.
Sa ngayon sa San Roque National High School pansamantalang nananatili ang mahigit 400 pamilya, nagsisiksikan sa 8 classroom at naghahati sa tatatlong mapuputik na comfort room; kulang sa kumot, banig at ilang pananggalang sa basa at malamig na panahon. Dahil dito, usong-uso ang lagnat, ubo at sipon.
Ni wala ring gamot para sa mga simpleng sakit, kaya ang mga nasunugan, nananawagan na ng tulong.
Bukod sa wala na silang matutuluyan. wala rin silang mga trabaho.
Nangako naman ang lokal na pamahalaan na tutulong na makahanap ng ibang matitirahan ang mga biktima ng sunog. Jasmin Romero, Patrol ng Pilipino
01/31/2011 10:38 PM







