Estudyante nang-hostage sa eskuwelahan sa Navotas


Alas-8:30 kanina nang rumesponde ang mga operatiba ng Navotas Philippina National Police (PNP) sa Navotas Polytechnic College.

Agad kinordonan ang paligid ng paaralan.

Nasa admin office pala ng gusali ang 23 anyos na suspek na kinilalang si Esmeraldo Yarcia, dati ring estudyante roon.

Gamit ang tangan niyang gunting, hinostage na pala nito ang kawani ng eskuwelahan na kinilalang si Amy Perez.

Unang hiniling ng suspek na may makausap na media mula sa ABS-CBN at GMA 7 na isinulat pa niya sa isang papel.

Pero tumanggi ang mga TV reporter.

Tanging ang photojournalist na si Roger Panesal ang nakausap nito.

Pero bumaba rin siya matapos tanggihan ng suspek.

“Sabi niya taga-TV daw ba ako. Sabi ko, 'Hindi taga-diyaryo ako.' Sabi niya, ‘Gusto ko TV, Channel 2 at Channel 7.’ Tapos isinara na niya na,” kuwento ni Panesal.

Nagdatingan din ang ilan niyang kaanak at kaibigan.

Mag-aala-una kaninang hapon nang hilingin ng suspek na makausap na lamang ang kanyang best friend at brod sa fraternity.

Ilang sandali pa matapos ang 5 oras na hostage-taking ay pinalaya na ang biktima na isinakay sa ambulansiya at agad idiniretso sa ospital.

Ilang minuto lamang, inilabas na rin ang suspek kasama sina Congressman Toby Tiangco, Vice-Mayor PJ Javier at ang crisis management team kung saan kabilang si Superintendent Orlando Yebra na dati na ring nagsilbing negosyador sa Manila hostage crisis.

“I just like to congratulate the committee for a job well done. Ang demand niya noong una is media kaya lang alam niyo naman na after ng nangyari sa Quirino, hindi na puwede ang media,” sabi ni Tiangco.

Sa presinto, emosyonal na isinawalat ni Yarcia ang kanyang sama ng loob sa pinapapasukang eskwelahan na Isabela State University.

Plinano raw niya ang pangho-hostage pero nilinaw na wala siyang galit sa Navotas Polytechnic College na dati niyang eskuwelahan.

“Pera na ibinabayad ng mga estudyante, ibinibili nga ng mga equipment pero nakalagay doon, 'Students are not allowed to use it.' Gaya po ng sa gym. Ito po ang produkto ng.... na hindi niyo makausap ng fluent in English. Magpasalamat nga po kayo, ma’am, kasi may naligaw na isang Esmeraldo Yarcia diyan na marunong makipag-usap ng English,” sabi ni Yarcia.

Pero kalmado lamang si Yarcia na hindi raw nagsisisi sa ginawang pangho-hostage.

Kapwa sumailalim naman sa imbestigasyon si Yarcia at Perez.

Patung-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng suspek habang plano naman ng Navotas PNP na isailalim sa counseling ang suspek lalo’t marami itong hinaing. Doland Castro, Patrol ng Pilipino

02/01/2012 8:58 PMBookmark and Share